TV host-VJ Robi Domingo nanawagang isatuwid ang sistema ng edukasyon matapos ang ‘MaJoHa’ controversy
Ni Zamantha Pacariem
PHOTO: ABS-CBN News |
Inihayag ni Robi Domingo, host ng tinaguriang reality show na Pinoy Big Brother (PBB), sa isang tweet ang pagkadismaya sa sistema ng edukasyon ng bansa matapos matawag na “MaJoHa” ng PBB housemates ang Filipino martyr priests na GomBurZa.
Ang GomBurZa ay binubuo ng tatlong Pilipinong paring martir na sina Mariano Gomez, José Burgos, at Jacinto Zamora na tahasang kinitil ang buhay noong panahon ng Espanyol dahil sa alegasyong pagtataksil at sedisyon, kaakibat ng aktibong pakikibahagi nito sa Cavite Mutiny noong 1872.
“Sa una, nakakatawa pero habang tumatagal, di na nakakatuwa. Sana maging daan ito para makita kung ano ang kakulangan sa sistema ng ating edukasyon. Sa lahat ng content creators, let’s battle #MaJoHa,” dismayadong pahayag ni Domingo sa kanyang Twitter post.
Agad namang nag-trending ang “GomBurZa” online matapos maipalabas ang episode ng PBB na siya ring ikinabahala ng mga netizens—kasunod ang panawagang muli nang buksan ang mga paaralan.
Naalarma rin ang karamihan sa mga sagot ng teenager-housemates patungkol sa basic history ng Pilipinas, na anila’y manipestasyon ng hindi maayos at bulok na sistema ng edukasyon sa bansa.
Ani pa ng isang netizen na si @hiphoplalisa, “Though the young ones also have the responsibility to learn but there must be a disconnect in the way they are learning if something as simple as GomBurZa is not retained.”.
Unti-unti na ang pagbabalik-eskuwela ng mga mag-aaral sa pagbubukas ng panibagong semestre. Nasa 10,000 paaralan na ang pinayagan ng Department of Education (DepEd) na magkaroon ng face-to-face classes para sa mga piling lugar na nasa ilalim ng Alert level 1 at 2. Kasabay ng panawagang #LigtasNaBalikEskwela ay muling pagbabalik ng Philippine History sa asignaturang Sibika at Kultura/HEKASI at Araling Panlipunan sa elementarya at sekondarya.
Iniwasto ni Kyla Balatbat