UP pinigilang maka-arya ang NU, Rivero nagmarka ng 19 puntos
By Kierk Vincent Tugnao
PHOTO: Tiebreaker Times |
Nanatili rin sa third seed ang University of the Philippines matapos limitahan ang nagbabantang pagkalos ng National University sa iskor na 80-70, sa ikatlong araw ng UAAP Season 84 Men’s Basketball Preliminary Round na ginanap sa Mall of Asia Arena nitong Huwebes.
Rumagasa ang Fighting Maroons sa tulong ng late dominating performance ng UP veteran na si Ricci Rivero na tumantos ng 19 puntos, 4 assists, 3 rebounds, 2 steals at 1 block upang makuha ang ikalawang sunod na panalo at mabaon sa losing streak ang NU.
Hugot ang naging depensa ng NU Bulldogs sa pagsisimula ng laro, dahilan upang mangapa ang UP na makakuha ng puntos, subalit nakahanap ng tiyempo ang Katipunan-based squad nang makipagpalitan ng tirada sa kalaban at tapyasin ang kalamangan sa first quarter.
Tuluyang kinalas ng UP ang magandang plastada ng NU nang magpakawala ng 8 puntos si Rivero at nagbigay-ningas sa 13-2 run sa huling limang minuto ng first half.
Pinalawig ng Maroons ang kalamangan sa trese, 66-53, bago magpatak ang huling pitong minuto ng laro kung saan tumikada pa si Rivero ng 11 puntos.
Naibaba naman ng National U ang kalamangan sa pito galing sa limang sunod na puntos nina John Galinato, Reyland Torres at Germy Mahinay sa huling 5:11 minuto.
Subalit pinatahimik ni CJ Cansino ang alagwa ng NU nang magpaulan ng tres sa huling 3:10 minuto para muling palobohin ang lamang sa 74-63.
Nagkaroon pa ng kaunting iringan sa pagitan ni Rivero at Janjan Felicilda sa isang lay-up situation kung saan pinatawan ng technical foul ang Maroon Guard, unsportsmanlike foul naman kay Felicilda.
Maliban kay Rivero, maganda rin ang tikada ni Gilas forward Carl Tamayo na may 13 puntos para sa UP. Binuhat naman ni Xavier Lucero ang rebounding department matapos magtala ng 10 boards at limang puntos.
Tinimon ni Michael Malonzo ang NU na sa tulong ng kaniyang 11 puntos habang dumagdag ng 10 si Torres.
Susubukang humamig ang Fighting Maroons ng ikatlong panalo kontra University of the East, ala-una ng hapon sa Sabado sa MOA Arena. Tatangkain namang putulin ng NU ang dalawang sunod na talo laban sa Far Eastern University sa parehong araw, alas diyes ng umaga.
Samantala, namayani ang championship tradition ng Ateneo Blue Eagles matapos bigyan ng leksyon ang Adamson University, 78-47, upang masolo ang tuktok ng kartada sa Men’s Basketball.
Natarget din ng DLSU Green Archers ang ikatlong sunod na panalo laban sa FEU sa iskor na 75-65 at patuloy pa ring nakasampa sa ikalawang pwesto.
Nasilat naman ng UST Growling Tigers ang unang panalo sa torneyo kontra UE upang maiangat ang Espanya sa standings; 74-62.
Iskor:
UP 80 - Rivero 19, Tamayo 13, Cagulangan 9, Fortea 8, Cansino 8, Spencer 6, Lucero 5, Diouf 4, Alarcon 4, Catapusan 2, Abadiano 2, Ramos 0, Lina 0.
NU 70 - Malonzo 11, Torres 10, Clemente 9, Mahinay 9, Felicilda 8, Ildefonso 7, Enriquez 4, Galinato 4, Tibayan 4, Joson 2, Manansala 2, Figueroa 0, Minerva 0, Yu 0.
Quarterscore: 20-25, 42-39, 55-53, 80-70.
Iniwasto ni Jostle Pilayre