Ni Maverick Joe Velasco

PHOTO: Roy Domingo/Business Mirror

Inihayag ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kung siya ang magwawagi sa darating na halalan, palalawakin niya ang operasyon ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) upang tugisin ang iba pang politiko na sangkot sa korapsyon.

Sa isang panayam ng CNN Philippines kay Marcos noong Abril 26, Martes, nang matanong kung paano niya palalakasin ang nasabing ahensya ay sinabi niyang hindi lang dapat nakapokus ang mga ito sa isyu ng ill-gotten wealth ng kanyang pamilya.

“Instead of directing themselves against the Marcoses only, I mean if I have — kung mayroon akong corrupt na kamag-anak, eh ‘di lalabas ‘yung pangalan niya. But not only us, lahat,” saad ni Marcos.

Kaugnay nito, plano ni Marcos na pataasin ang kaukulang badyet na matatanggap ng ahensya at paramihin ang tauhan nito upang habulin at imbestigahan ang mga politikong sangkot sa korapsyon.

Dagdag pa ni Marcos na nag-iba na ang panahon at hindi na ang ill-gotten wealth ng pamilya niya ang usapin kundi ang korapsyon na mayroon ngayon sa gobyerno.

"They’re already there. Eh di gamitin mo na. Patibayin mo pa para talagang meron kang agency na walang ginawa kundi nagbabantay na walang gumagawa ng kalokohan," paliwanag pa niya.

Ang PCGG ay isang quasi-judicial government agency na itinatag sa panahon ng pamumuno ni dating Pang. Corazon Aquino upang bawiin ang nakaw na yaman ng pamilya Marcos.

Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng mahigit P171 bilyon na ang nabawi ng PCCG at mahigit P125 bilyon pa na pagmamay-ari ng pamilya Marcos ang nasa proseso ng paglilitis.


Iniwasto ni Kyla Balatbat