Ni Cherry Babia

PHOTO: Quezon City Government (Facebook)

Isang tao lamang umano ang nakakuha ng ayudang umabot sa P147,000 na inilaan sana para sa 35 na benepisyaryo ng isang cash-for-work program sa Magalang, Pampanga, na taliwas sa mga patakarang itinakda ng Department of Labor and Employment (DOLE).


Ayon sa annual audit report ng Commission on Audit, dapat na kinuha ng mga benepisyaryo mismo o isa sa kanilang mga kaanak ang ayudang mula sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers (TUPAD) Program ng DOLE at hindi ng iisang tao lamang.


Dagdag pa nito, aabot sa 15 benepisyaryo lang umano ang nagkumpirma ng pagkuha nila ng ayuda habang 10 katao ang hindi nakatanggap ng pinansyal na tulong. Hindi sinabi sa report kung nakakuha ba ang sampu pang mga benepisyaryo ng ayuda o hindi na.


Nirekomenda naman ng state auditors kay Pampanga Governor Dennis Pineda na siguraduhin ng Provincial Treasurer's Office na ang mga taong awtorisado lamang ng DOLE ang makakakuha ng pinansyal na tulong.


Gayunpaman, sinasabing ito ay ilan sa mga namataang "deficiencies" ng COA sa pagpapatupad nito ng TUPAD program ng DOLE, kung saan nakakuha ang probinsya ng P91.18 million.


Ayon pa sa naging review ng COA, lumalabas na sa 21,710 na mga benepisyaryo mula sa probinsya, 5,012 sa mga ito ang may parehong pangalan at kaarawan, contact numbers, uri ng ID o ID numbers.


Bukod pa rito, tinatayang 850 sa mga contact numbers na ito ang hindi "reliable" sapagkat hindi tama ang pagkakalagay at hindi na ma-contact.


“Thus, it would be difficult to confirm actual receipt by beneficiary of the financial assistance since most of the numbers called belong only to one beneficiary,” ayon sa state auditors.


Tutulong umano ang PESO offices sa mga bayan ng Magalang, Arayat, Lubao, Candaba, Mabalacat, Minalin, Macabebe, Masanto, Guagua at Floridablanca sa Pampanga sa pag iimbestiga sa pagdoble ng 11 mga pangalan sa mga benepisyaryo.



Iniwasto ni Kyla Balatbat