Bayan ng Glan, Sarangani sinalanta ng matinding baha; 200 pamilya apektado

Ni Lynxter Gybriel L. Leaño

PHOTO: Novie Aragoncillo Pontilar

Malakas na ulan at pagbaha ang nagpalikas sa tinatayang 200 pamilya o nasa 400 indibidwal sa Glan, Sarangani nitong Mayo 3 bunsod ng pinagsamang Low Pressure Area (LPA) at Inter-tropical Convergence Zone (ITCZ) sa Mindanao.

Ayon sa paunang pagsusuri ni Rene Punzalan, Head Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Sarangani, labis na naapektuhan ang limang barangay nito — kabilang ang Poblacion, Taluya, San Vicente, Tapon, at Ilaya — dahil na rin sa pag-apaw ng sapa na mas lalong nagpataas sa baha.

Ibinahagi din ni Punzalan na sa kasagsagan ng rumaragasang baha, mayroong mga na-trap na taong may sakit sa kanilang bahay ngunit agad naman itong naisalba ng Disaster Team at nadala sa medical clinic ng naturang bayan.

Marami ring tao ang na-stranded sa Barangay Tapon dahil hindi na pinadaanan ng mga awtoridad ang tulay dahil tila sumasayaw na ito bunsod ng malakas na daloy ng baha.

Sa ngayon, nagmomonitor pa ang mga tauhan ng PDRRMO upang masukat ang kabuuang danyos na naiwan ng baha.

Dahil sa sakunang ito, pansamantalang naging kanlungan ng 400 na indibidwal na biktima ang gymnasium ng Glan kung saan hindi pa rin tiyak kung kailan sila makababalik sa kanilang tirahan.

Samantala, bumuhos naman ang mga tulong mula sa lokal na pamahalaan at sa mga youth volunteer para sa mga biktima sa pamamagitan ng mga donation drive kagaya ng mga damit, pagkain, tubig, gamot, mga face masks, at alcohol.

Sa kasalukuyan, bahagya nang humupa ang baha ngunit hindi pa rin pinababalik ng mga opisyales ang mga biktima hanggat hindi natatapos ang pagbaha.  #


Iniwasto ni Niko N. Rosales

Previous Post Next Post