Bulok na (S)istemang (B)asketbol ng (P)ilipinas

By Crisdenmar Dela Cruz and Roy Raagas

Cartoon by Ace Vincent Lorico

Nalugmok ang mukha ng Pinoy basketball fans matapos tibagin ng Indonesia ang hindi matinag-tinag na 31-taong paghahari ng Gilas Pilipinas sa Southeast Asian Games (SEAG). Subalit hindi na ito nakabibigla dahil sa palpak, mahina, at bulok na pamamalakad ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP). Nakadidismaya dahil kung hindi maresolba ang isyung ito, posibleng masaksihan ang unti-unting pagbagsak ng larangang basketbol sa bansa. Noong ibinalik si Coach Tab Baldwin nitong 2021, nagkaroon ng liwanag ang ating koponan dahil sa magandang ipinakita nito sa qualifiers ng FIBA Asia Cup at Olympic Qualifying Tournaments. Binubuo lamang ng collegiate players ang koponan ngunit nakipagsabayan ito sa world powerhouses. Matapos ang biglaang pagbibitiw ni Coach Tab bilang head coach at direktor ng Gilas program sa hindi malamang dahilan nitong Pebrero, back to zero at walang malinaw na direksyon ang koponan sa ngayon, isang taon bago ang FIBA World Cup. Kung titingnan, pawang umiiwas ang SBP sa pagkuha ng foreign coaches upang mandohan ang ating pambansang koponan. Bakit nga naman tatanggalin sa posisyon ang coach na nagbibigay ng magandang resulta, kung ang ipapalit naman ay hindi kayang suklian o higitan ang nabakanteng upuan? Kahit pa sabihing maayos ang coach, kung marami namang tutol sa kaniyang pamamalakad, o kaya’y may ibang mas karapat-dapat sa posisyon, bakit hindi pa siya magbigay-daan? Maraming umaasa sa pagbabago ng Gilas habang pinagtutuunan ng SBP ang build-up at preparasyon para sa 2023 World Cup. Marapat ibaling ng SBP ang kanilang pansin sa long-term contingency plans at siguraduhing masusunod ang mga ito. Kung babalikan, naglahong parang bula ang 23-for-2023 dream Gilas pool na para sana sa paghahanda sa FIBA World Cup ni Coach Chot noong 2018, gayundin ang programang binuo ni Coach Tab. Hindi ito nararapat sa coaches, manlalaro, at fans ng isang bansang baliw na baliw sa basketbol. Nauna nang sinabi ni dating naturalized import Marcus Douthit na wala nang panama ang laos at nakasanayang taktika. “It's time for change; dribble drive has been scouted and now [we] need to go to the drawing board asap,” aniya. Iba na kasi ngayon: habang ang mga karatig-bansa ay nagsisikap higitan ang ating pambansang koponan, tayo naman ay umaatras. Isang halimbawa ang masakit na pagkatalo kontra Indonesia na dati ay minamani lang natin. Tunay ngang lumalakas ang kanilang line-up at may foreign coaches, pero ang malaking tanong ay kasalanan ba ng katunggali natin iyon? Madaling sabihing "ginawa naman nila ang makakayanan nila", ngunit mas malaki ang nakataya lalo na sa 2023 FIBA World Cup. Inaasahang lahat ng koponan sa ating rehiyon ay ating tinatambakan, patunay ang 2019 SEAG kung saan nilampaso natin sila nang mahigit 40+ bawat laro. Hindi ito pananakot kundi pagsubok dahil kahit sa ganitong torneyo, nakikita kung anong nagawa nila bilang grupo. Malaking panawagan sa SBP ang mga naganap upang gumawa sila ng pagsasaayos mula sa pinakaumpisa. Marapat ibalik bilang program director ng national team si Coach Tab Baldwin, dahil sa laki ng ginawang improvement nito sa Gilas. Malaking patunay ang pagdikit natin sa World No. 6 Serbia nitong Olympic Qualifying Tournament noong Hulyo 2021 sa kartadang 83-76, o ang dalawang-ulit na pag-ungos natin sa Korea na ating mortal na karibal. Partida na collegiate players pa ang halos nakasalang dito. Usapang bagito rin lang, panahon na upang bigyang-pagkakataon ang mga baguhan at hindi puro PBA players lang. Kung usapang puhunan ng kakayahan ay hindi sila mabibigo, dahil malaki ang potensyal nitong mas mapalakas at mapataas ang estado ng basketbol dito sa bansa. Si Coach Tab na ang nagsabing malaki ang kanilang improvement mula sa mga nagdaang pagsasanay at torneyo sa labas ng Pilipinas. Alam nating lahat kung sino ang ugat ng mga kadismayahang ito – ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na humahawak sa Gilas Pilipinas. Sila ang responsable at may kakulangan sa mga naturang pagkadapa ng koponan. Malaking hamon sa kanila na may magbago sa lalong madaling panahon, at kung hindi ito magawa, malaki ang ikababagsak ng Pilipinas pagdating sa basketbol.

Previous Post Next Post