BYE-anihan E-konsulta: Telemedicine program ni VP Robredo, magtatapos na sa Mayo 31

Ni Ricci Cassandra Lim

PHOTO: Philippine Star

Inanunsyo nitong Lunes, Mayo 23, ng Office of the Vice President (OVP) ang pagtatapos ng Bayanihan E-Konsulta sa Mayo 31.

Matatandaan na ang programang ito ay isa sa mga solusyon na inumpisahan ni outgoing Vice President Leni Robredo noong April 7, 2021 habang kasagsagan ng pagtaas ng mga kaso sa COVID-19. 

Nagpapasalamat ang OVP sa mga nagboluntaryo- medical at non medical - sa Bayanihan E-Konsulta na birtuwal na konsultasyon na nagdudugtong sa mga pasyente at mga healthworkers noong panahong punuan ang mga ospital; inihayag din nila ang kanilang pasasalamat sa kanilang mga naging kasama na tumulong na mapalawig ang programa sa bansa. 

“Taos-puso kaming nagpapasalamat sa lahat ng nakiisa sa inisyatibo nating ito upang makapaghatid ng kinakailangang tulong medikal sa ating mga kababayan ngayong panahon ng COVID-19 pandemic,” pahayag ng OVP. 

“Sa lahat ng ating volunteer doctors, nurses, at iba pang medical professionals, pati na rin sa mga non-medical volunteers na naglaan ng kanilang oras at kakayahan para maging matagumpay ang ating programa, maraming salamat po sa inyo,” dagdag pa nito. 

Samantala, pansamantala munang ititigil ang pagtanggap ng medical and burial assistance simula Hunyo 1 ayon sa post sa kanilang opisyal na Facebook page. 

Ito ay upang magbigay-daan na rin sa paghahanda para sa pag-turnover sa susunod na bise-presidente at administrasyon.

“Ito po ay upang maging maayos ang pag-transition at pag-turnover ng programa sa susunod na bise presidente,” ayon dito.

Makakaasa naman daw ang sambayanan sa mga anunsyo kung sakaling magkakaroon ng updates patungkol dito.


Iniwasto ni Kyla Balatbat
Previous Post Next Post