E-dukha-syong hindi si inday ang solusyon

By Roy Raagas


Cartoon by Joseph Idusora

Pinangalanan na ng inaasahang pangulo na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. si presumptive Vice President Sara Duterte bilang susunod na Department of Education (DepEd) Secretary ng ating bansa. Ito ay isang bagay na sana ay pinag-isipang muna nang mabuti,  dahil malayo at hindi angkop ang hanay na ito para sa kanya. Bukod dito, maraming pwede pang posibleng opsyon, hindi lang siya mismo, kundi sa buong kagawaran.


Kahit sabihin ni Marcos Jr. na isang ina si Inday Sara na sisiguraduhing maging hasa at edukado ang mga kabataan, marami rin namang mga tao na alam ang "isang pagiging ina" na matagal na sa DepEd. Komplikado ang sistema sa loob nito, at hindi pwedeng trial and error ang gagawin, lalo't maraming mag-aaral ang naghihirap sa pag-aaral ngayong pandemya. May "mga ina" rin na matagal nang nakasubaybay sa mga problemang mas alam nila, kumpara sa mata ng isang normal na tao, o kaya nama'y baguhan sa ganitong larangan.


Sa madaling salita, hindi angkop ang kanyang kakayahan para rito. Walang kinalaman ang pagiging abogado niya sa takbo ng edukasyon. Wala ring nababalitaan o ipinakikita siya na may nilaban siyang kaso ukol dito. Kung pagbabasehan ang sinabi ng kanyang asawang si Manases Carpio noon, mas dalubhasa sila sa usaping annulment, pagpapawalang-bisa ng kasal, adoption at custody cases, gaya ng labor and corporate cases.


Dagdag dito, kulang ang karanasan bilang alkalde ng Davao kung usaping ehekutibo ang pagbabasehan. Sa kabila ng naipasang mga ordinansa niya na kinalaman dito gaya ng Juvenile Intervention Program Ordinance, maraming problema sa bawat rehiyon ang kanya pang matutunghayan na hindi kaya ang anim na taon para lang magmasid at bumuo nang mas kongkretong solusyon, gaya sa mga remote areas at mga lumads, at tanging mga DepEd officials ang mas makakaalam nito.


Maraming bagay ang pwedeng gawin ni Inday Sara para sa bansa, pero hindi siya bagay sa mundo ng edukasyon. Maaaring angkop siya sa Department of National Defense o kaya sa Interior and Local Government, dahil saklaw niya ito at magagamit niya nang buong potensyal ang kanyang karanasan at kakayahan. Mas mabuting ilagay diyan, wika nga ni Senator Risa Hontiveros, ang mga eksperto sa mismong sektor. Maaaring kandidato rito si Carl Balita na may doctorate degree sa edukasyon, o pumili ng isa sa mga directories ng DepEd na mukhang maaasahan sa susunod na administrasyon.


Sa pagkakataong ito, dapat piliin nang mabuti ni presumptive president Marcos Jr. ang hahanay sa kanyang gabinete, lalo sa edukasyon. Mahirap ang estado ng mga kabataan ngayon, at kailangan ng mga estudyante ng tunay na solusyon dito. Kaya't isa lang ang mismong tumbok na sabihin dito – pumili nang tama, dahil hindi biro ang sinapit ng mga mamamayan ngayong pandemya.

Previous Post Next Post