Comelec isinantabi ang mga alegasyon tungkol sa pabor na AES results

Ni Cherry Babia

PHOTO: Rappler

Para sa Commission on Elections (Comelec), mahirap umanong patunayan ang mga alegasyong kumakalat online na pabor ang mga resulta ng Automated Election System (AES) sa anak ng dating diktador na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., ang nangungunang kandidato sa pagka-presidente ayon sa partial and unofficial result.

"Mahirap i-prove iyan kapag sinabi mong may cheating with regards to that percentage,” saad ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo sa isinagawang press briefing noong Martes, Mayo 10.

Ito ay matapos maglabas ng mga alegasyon ang mga tagasuporta ng katunggali ni Marcos Jr. na si Bise Presidente Leni Robredo, tungkol sa kahina-hinalang bilang ng boto nito na laging nasa 47% ratio ang pagitan ng boto ng dalawang kandidato.

Kasama sa mga naghihinala dito si Jose Luis Yulo, presidente ng Chamber of Commerce of Philippine Islands. 

"If you look at how the figures are coming in, eh very clear naman that there's something wrong. It's not statistically possible na consistent 47% — na bawat presinto, 47%. Ano ba naman 'yan? That cannot happen." aniya.

Ngunit idiniin ni Casquejo na ang transmissions mula sa vote-counting machines (VCMs) ay mula sa iba't ibang clustered precincts na nakakalat sa buong bansa.

“In our transparency server, tumatanggap siya ng resulta coming from different clustered precincts, wala iyong tinatawag na balwarte. In the first transmission, iba-ibang lugar ito,” aniya.

“Lahat ng clustered precincts in different locations, nagtatransmit papuntang transparency server. If you receive that result, and there will be a percentage lead, most likely, ganoon na rin ang lead when it comes to completing all transmissions.” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, sa partial at unofficial results ng Comelec ay patuloy na nangunguna si Marcos Jr. sa bilangan ng pagka-presidente na may higit 31 milyong boto, at sinundan ni Robredo na mayroong higit 14 milyong boto. 


Iniwasto ni Kyla Balatbat
Previous Post Next Post