Ni Kier James Hernandez

PHOTO: Chris Panganiban Jr./MindaNews

Dahil umano sa vote-buying, nagkaubusan ng mga mobile phones sa tatlong shopping mall sa Agusan del Sur matapos dagsain ng tao pagkatapos ng dinaraos na eleksyon.

Sa loob ng dalawang magkasunod na araw pagkatapos ng botohan noong ika-9 ng Mayo, tumaas ang demand sa mga selpong nagkakahalaga ng P6,000 hanggang P7,000 kada unit sa Gaisano Grand Mall, Gaisano Capital, at Davao Central Warehouse.

Ayon kay Chris Panganiban, Jr., salesman sa isang mobile phone store sa Gaisano Grand Mall, umabot sa 180 Vivo at Real Me ang kanilang nabenta nitong nakaraang Martes at Miyerkules.

Bukod sa mga tindahan ng selpon, naging matao rin sa mga kainan at naging mabilis ang mga bentahan.

Ayon kay Macario Angelia, residente ng Lianga, nasa P2,500 hanggang P3,500 ang bigayan ng dalawang magkalaban sa gobernador sa kanilang probinsya sa bawat botante.

Dagdag pa niya, mas maraming pera ang umiikot habang papalapit ang eleksyon. Dahil bukod sa pamigay ng mga gobernardor, may iba pang pulitiko ang umano'y nag-aabot ng dagdag P500, na kung tawagin ay "tili-tili."

Sa Zamboanga del Sur naman, nasa P3,000 hanggang P5,000 umano ang bigayan ng mga politiko kapalit ng "straight vote" mula gobernador hanggang sa lokal na posisyon na nagsimula dalawang araw bago ang halalan.

Samantala, nakasamsam naman ng P50,000 ang pulisya sa Pagadian City matapos matimbog ang isang vote-buying operation sa Pavillion Building ng pamahalaang panlalawigan sa Barangay Dao.

Ayon sa ulat, nakalakip sa 50-pirasong P1,000 na nakumpiska ng pulisya ang mga sample ballotnni reelectionist Governor Victor Yu at ng kanyang local slate. Ngunit, walang naaresto sa raid matapos agad makatakas ang mga tao nang malamang may dumating na mga pulis.


Iniwasto ni Gwyneth Morales