Ni Carlos Jimwell Aquino

PHOTO: INQUIRER.net

Makalipas ang ilang araw nang matapos ang proklamasyon, nagbigay ng kanyang congratulatory message si outgoing Vice President Leni Robredo para kay Vice President-elect Sara Duterte sa pagkapanalo nito bilang susunod na pangalawang pangulo ng bansa. 

Kasabay ng pagbati ni Robredo, sinabi rin niya na tinatanggap niya ang imbitasyon ni Duterte para sa isang inisyal na pagpupulong tungkol sa inaasahang pagpapasahan ng posisyon.

“Dear Vice President-elect Duterte: Warmest congratulations on your proclamation as 15th Vice President of the Republic of the Philippines. We respectfully acknowledge receipt of your letter dated 27 May 2022 requesting an initial meeting between our respective teams,” saad ni Robredo sa kanyang liham nitong Lunes. 

“Please be advised that we are ready to meet and answer any questions you may have regarding the Office of the Vice President and to take all necessary steps to ensure a smooth transition,” dagdag pa niya.

Kakauwi lamang ni Robredo galing New York City matapos nitong dumalo sa graduation ceremony ng kanyang bunsong anak na si Jillian.

Sa opisyal na bilang, malaki ang naging lamang ni Duterte sa pagka-pangalawang pangulo matapos nitong makakuha ng mahigit 32 milyong boto.

Sa kabilang banda, nagwagi rin ang kanyang ka-tandem na si ngayo'y President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na umani naman ng mahigit 31 milyong boto laban kay Robredo na nakapagkamit lamang ng higit 15 milyon. 


Iniwasto ni Audrei Jeremy A. Mendador