By Carlos Jimwell Aquino

PHOTO: Boy Santos/The Philippine Star

Tila bigo ang planong pagganti ni National Youth Commission (NYC) Chairperson Ronald Cardema matapos ibasura ng Commission on Elections (Comelec) en banc ang kanyang petisyon na pigilang maging first nominee ng P3PWD party-list at kinatawan sa Kongreso ang dating poll commissioner na si Rowena Guanzon.

Ayon kay Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, inaprubahan ng komisyon ang rekomendasyon ng kanilang law department na tanggihan ang apelang ipinasa ni Cardema noong Biyernes, Hunyo 17.

Paliwanag ni Laudiangco, ang Resolution 10717 na kasama sa petisyong hinain ni Cardema ay nagtatakda ng mga patakaran bago at hindi pagkatapos ng halalan.

Dagdag pa niya, naging basehan din ng poll body ang naging resolusyon na pumabor sa Duterte Youth party-list, na dating sinubukang katawanin ng NYC commissioner noong 2019.

Nabanggit din ng spokesperson ang Section 8 at 16 ng Party-List System Act kung saan nakasaad na maaaring magbigay ng karagdagang itatalaga ang grupo kung sakaling maubos na ang mga nasa listahan ng nominado.

Aniya, nakasunod din naman ang P3PWD party-list sa mga publication requirement na pinaburan din ng en banc.

Sa kaparehong araw, nanumpa si Guanzon bilang kinatawan ng naturang party-list sa paparating na Kongreso sa harap ni Court of Appeals Associate Justice Edwin Sorongon.


Matatandaang pinayagan ng Comelec ang kahilingan ng P3PWD party-list na bawiin ang nominasyon ng original roster nito at magpalit ng bagong mga itatalaga kung saan kabilang si Guanzon.


Samantala, hinamon ni Guanzon si Cardema na maghain ito ng reklamo upang panindigan ang mga akusasyon laban sa kanya.

Noong 2019, pinigilan ng noo'y Comelec commissioner ang pag-substitute ni Cardema bilang kinatawan ng Duterte Youth sa pamamagitan ng substitution dahil sa edad nitong lagpas sa pagiging youth representative.


Iniwasto ni Audrei Jeremy A. Mendador