Curry, Warriors umariba sa second half ng Game 2; serye, tablado na
Ni Manuel Arthur Machete
PHOTO: Philstar Global |
Pinayukod ng Golden State Warriors, sa pamumuno ni Stephen Curry, ang Boston Celtics matapos ang 55-38 bentahe sa second half, daan upang makopo ang panalo, 107-88, at itabla ang serye sa 1-1 sa NBA Finals sa Chase Center sa California, Lunes (PH Time).
Nagpakawala ang dating MVP ng dominanteng 29 points, six rebounds, at four assists sa 5-of-12 3PT shooting para pamunuan ang koponan sa blow-out win kontra Celtics, habang sumegunda si Jordan Poole na may 17 markers, two boards, at three dishes.
“We came out with the defensive energy and approach. Offensively, we were a little bit more organized than what we (trying) to do from the jump (ball) every night,” pahayag ni Curry sa post game interview.
Matikas ang naging simula ng ikatlong quarter matapos magtala ang Warriors ng three-to-nothing run sa ika-8:14 minuto salamat sa step-back jumper si Curry kontra kina Jaylen Brown at Al Horford, 62-54.
Patuloy pa sa pag-birada ang Warriors nang umariba ng four-zero rally sa oras na 2:12 minuto, 79-62, bunsod pa ng dalawang sunod na signature long three ni “Chef” Curry at three-point jumper ni Poole.
Kinandado na ni Poole ang third canto, 87-64, panig sa crowd bet, matapos maihirit ang three-point clutch upang lalong madismaya ang Celtics.
Hindi na rin nagpaawat pa ang Warriors sa huling quarter makaraang magselyo ng back-to-back midrange shots si Klay Thompson at iangat ang iskor sa 93-66 kartada sa ika-8:38 minuto.
Bunsod ng nasabing pagratsada, inangkin ng Warriors ang ikalawang laro ng serye upang maisalba ang standing kontra Boston.
Tumikada naman sa kabilang panig si Eastern Conference Finals MVP Jayson Tatum ng 28 points, six rebounds, at three assists habang umalalay si Jaylen Brown ng 17 markers, six boards, at three dishes.
Gaganapin ang Game 3 ng serye sa TD Garden, homecourt ng Celtics, sa Boston, Massachusetts sa darating na Huwebes (Manila Time).
Quarterscores: 31-30, 52-50, 87-64, 107-88
Iniwasto ni Roy Raagas