Ni Alyssa Joy Damole

PHOTO: Ozarks First/Aaron Favila

Nakatakdang isara mula ika-6 ng Hunyo hanggang ika-4 ng Hulyo ang National Museum of the Philippines bilang paghahanda sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa darating na ika-30 ng Hunyo.

Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) South Manila Engineering District Project Engineer Virgilio Orallo, sinisimulan nang magtayo ng isang malaking entablado sa harap ng National Museum kung saan manunumpa si Marcos Jr. bilang ika-17 Presidente ng Pilipinas, na siyang inaasahang matapos sa Hunyo 20.

"We'll finish the work, kung maaari po... June 20, tapos na po 'yan," ani Engr. Orallo.

Isinaad din ni incoming Presidential Management Staff Secretary Zenaida Angping na isa rin sa isinaalang-alang ng inaugural committee ang Quirino Grandstand ngunit sa kabila nakatayong COVID-19 facility sa lugar, napagdesisyunan nilang iraos ang oath-taking ni BBM sa National Museum. 

"The National Museum of the Philippines building and its surrounding areas match our requirements for President-elect Marcos' inauguration... We chose to avoid disrupting the medical care being given to the COVID-19 patients housed there. That's why we opted for the National Museum as the venue," aniya sa isang pahayag mula sa kampo ng mga Marcos nitong Huwebes, ikalawa ng Hunyo 2022.

Matatandaang sa National Museum din, na kilala noon bilang Old Legislative Building,  nanumpa ang mga nagdaang punong ehekutibo na sina Manuel L. Quezon, Jose P. Laurel, at Manuel Roxas.

Kaugnay nito, nakatakda naman ang pagpapasinaya ni Vice President-elect Sara Duterte-Carpio sa Davao City sa darating na ika-19 ng Hunyo.


Iniwasto ni Monica Chloe Condrillon