'KATOLIKO, UMANIB SA IGLESIA': Paglipat ng isang pari sa INC, nagdulot ng alarma sa lokal na Simbahan sa La Union

Ni Cherry Babia

PHOTO: Jay Directo/AFP/DSFLU Facebook

Naalarma at dismayado ang Diocese of San Fernando sa La Union hinggil sa usaping kumakalat sa social media kung saan lumipat umano ang isa sa kanilang mga pari sa Iglesia ni Cristo, isang kilos na sinasabing nagdudulot ng pagkalito at eskandalo sa mga tao.

Ayon sa inilabas na statement ng Office of the Chancellor ng Diocese of San Fernando of La Union noong Hunyo 20, sinasabing matagal nang pinag-iisipan ng paring kinilalang si Fr. Romeo Lopez ang paglipat nito sa kabilang relihiyon. 

"But while his works and apostolate are beyond doubt sincere and commendable in all respects, we regret to inform you that for a long time already, he has been contemplating on joining the Iglesia ni Kristo," saad nito.

Dagdag pa dito, nagbigay umano si Lopez, na kumakailan lang ay nagretiro sa 35 taong serbisyo sa simbahan, ng isang sulat kay La Union Bishop Daniel Presto kung saan sinasabing lilipat siya sa INC, na isa sa mga pinakamalaking Kristyanong grupo sa Pilipinas. 

"We are as of the moment communicating and doing our best to stop Fr. Romy from what he is doing since this has been causing confusion and scandal among the faithful," giit ng pahayag.

Nagretiro si Lopez nito lamang Enero 30 ng kasalukuyang taon, matapos magserbisyo bilang parish priest sa Holy Guardian Angels Parish sa bayan ng Sto. Tomas.

Gayunpaman, umapela ang diocese sa mga naniniwala na ipagdasal ang pari at huwag nang tuluyan pang sawsawin ang isyu.

"While we are doing and exhausting all efforts to do so, we appeal to all the lay faithful to pray for him, and refrain from fanning further the issue."

Samantala, may isa ring bukas na liham na kumakalat online na umano'y mula kay Lopez na nag-iimbita sa publiko na malaman ang aral ng kanyang sinapiang relihiyon.

Isinaad ng pari na kaya raw siyaumanib sa Iglesia ay dahil sa mataas na pagsunod nito sa aral ng Diyos, mahigpit na disiplina sa pamamahala, at ang matibay na patunay ng pagmamalasakit at kapatiran nito.

"Sa pag-anib ko sa Iglesia ni Cristo ay iniwan ko ang pagiging pari ko sa loob ng 35 taon sa Diocese of San Fernando La Union. Ayaw kong mamatay na Katoliko, gusto kong mamatay na Iglesia ni Cristo," dagdag pa niya.


Edited by Lance Arevada 
Previous Post Next Post