Pagbabakuna ng COVID-19 booster shots sa lahat ng edad 12–17, aprub na ng DOH
Ni Roland Andam Jr.
Pinahihintulutan na ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna ng COVID-19 booster shots sa lahat ng 12 hanggang 17-taong gulang sa bansa, na dating aprubado lamang para sa mga indibidwal na immunocompromised mula sa nasabing age group.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaaring sa pagtatapos ng kasalukuyang linggo uumpisahan ng kagawaran ang pagbibigay ng karagdagang doses ng bakuna kontra COVID-19 sa buong populasyon ng mga 12–17 anyos.
Ito ay sa pag-asang sa susunod na mga linggo ay kakikitaan aniya ng pagtaas ang bilang ng mga kabataang magpapaturok ng booster shots.
"Nagbigay na rin ng 'oo' na puwede nang ipatupad rin itong rest of the population ng 12 to 17. Hopefully in the coming weeks makikita natin ang slow na pagtaas ng 12 to 17 booster doses dahil kailangan din po ng ating kabataan ang booster doses na ito,” pahayag ni Vergeire nitong Sabado, Hunyo 25.
Sa kabila nito, wala pang inilalabas na guidelines ang DOH na gagamiting basehan sa rollout ng booster doses para sa mga 12 to 17 years old na non-immunocompromised.
Ang tanging mayroon pa lamang ay ang mga alituntunin para sa pagbabakuna sa mga kabataang may karamdaman na nagsimula namang umarangkada nitong Miyerkules, Hunyo 22.
Batay sa naturang guidelines ng DOH, hindi dapat bababa sa 28 na araw mula nang maturukan ang mga immunocompromised na 12 hanggang 17-taong gulang ng kanilang unang booster bago muli sila makatanggap ng karagdagang dose.
Sa bilang ng DOH, nasa 100 immunocompromised na mga kabataang edad 12-17 ang nabakunahan na ng pangatlong dose, samantalang humigit-kumulang 9.5 milyon naman ang naturukan na ng primary doses ng COVID-19 vaccine.
Iniwasto ni Phylline Calubayan