Ni Monica Chloe Condrillon

Opsyonal na lamang ang pagsusuot ng mga face mask sa labas sa lalawigan ng Cebu, partikular sa mga maaliwalas na lugar, batay sa pinakahuling kautusang inilabas ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia.

PHOTO: Yahoo News

“The use of face masks shall be optional in well-ventilated and open spaces,” ani mula sa nilagdaan ni Garcia na Executive Order 16, s. 2022. 

Inilabas ni Garcia ang proklamasyon kahit na kasalukuyang nasa Alert Level 2 pa rin ang lalawigan, na siyang ikalawa lang mula sa pinakamababang lagay o status ng quarantine na ipinapatupad sa bansa.

Kasalukuyan namang nakasailalim sa Alert Level 1 ang mga hiwalay na siyudad ng Cebu, Mandaue, at Lapu-Lapu, ngunit wala pa ring pagbabago sa mga mandato nito tungkol sa pagsusuot ng mask.

Nakasaad din sa EO ng gobernador ang paalala sa lahat na kinakailangan pa ring magsuot ng face mask ang mga nakakaranas ng mga sakit o sintomas tulad ng lagnat, sipon, at ubo.

“Whether to continue to wear or not the mask even in outdoor settings becomes a personal choice. Understanding one’s risk of exposure should be a better guide in interpreting and following the said EO,” pahayag naman ni  Dr. Mary Jean Loreche, chief pathologist ng DOH sa Central Visayas.

'Hindi pa tapos ang pandemya'

Sa kabila ng naturang proklamasyon, pinasaringan ng Department of Health ang mandatong ito at idiniin na maaari lamang magtanggal ng face mask kung kakain o kung mayroong gagawing mga pisikal na aktibidad, base na rin sa protokol ng COVID-19 Inter-Agency Task Force (IATF).

“The COVID-19 virus is still present and the pandemic is not yet over. Individuals can still catch the virus, most especially our vulnerable population,” saad ng DOH sa isang pahayag.

Dagdag pa nila, ang pagsusuot ng face mask na kaakibat ng pagbabakuna ang pangunahing panangga sa naturang sakit at may malaking gampanin sa pagkontrol ng kasalukuyang mababang datos ng kaso sa bansa.

“Scientific evidence supports the use of best fitting face masks in reducing the transmission not only of COVID-19, but also other infectious and respiratory diseases including Monkeypox, should it reach our country,” saad nila. 

DILG: Tuloy pa rin ang pagsusuot ng face mask

Pinabulaanan din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang inilabas na executive order sa lalawigan ng Cebu, kung saan muli nilang giniit ang striktong pagsunod sa minimum public health standards (MPHS).

“This Department does not recognize the Executive Order issued by Cebu Governor Gwen Garcia because we have the IATF Guidelines approved by the President. The Philippine National Police will continue to confront, apprehend, and arrest, if necessary, all violators of IATF Guidelines and MPHS in the Province of Cebu," sabi ni DILG Secretary Eduardo Año.

Hinikayat rin ni Año ang lahat na sundin pa rin ang mga ordinansang inilatag ng IATF na aprobado ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Individuals can still catch the virus, most especially our senior citizens and vulnerable population. We should therefore be vigilant, continue our adherence to all MPHS, and get vaccinated or boosted immediately,” paalala ng kagawaran.


Iniwasto ni Patrick Belas