Ni Roy Raagas

PHOTO: Yahoo News

Bumugsong muli ang paglaganap ng racism kontra sa Asian-Americans, matapos maltratuhin ng isang babae ang Pinay health worker sa isang express train sa New York City, noong Biyernes.

Base sa ulat ni Elmer Cato, Philippine consul general sa New York, akmang nilawayan ng umano'y racist ang kanyang katabing Filipina sa N Broadway Express train sa oras na iyon.

Sa kabila nito, pinabagsak din ng mismong health worker ang nanlaway sa kanya, at sa parehas na pagkakataon, napag-alaman din na may kakaibang family background ang mismong nanlaban.

"She then saw a few stars. Our kababayan comes from a family of boxing legends in the Philippines," ani ng Philippine consul general.

Ayon sa ulat na ibinigay ni Cato, isa lamang ito sa mahigit 40 insidente ng racism na kanyang naitala na kinasasangkutan ng mga Pilipino mula pa noong 2021.

Kabilang na rin dito ang walang kaawa-awang pag-atake sa isang 67-anyos na Pinay sa loob ng apartment sa New York rin nitong Marso, kung saan nagtamo ito ng malalang sugat sa buong ulo at mukha. 

Matatandaang matagal nang pinaglalaban ng iba’t ibang lider ng mga Asian-American communities sa America ang usaping sa racism, na siyang talamak na sa mismong bansa.

Nakapagpatawag pa noon ang nasabing grupo ng isang news conference, upang kondenahin ang ganitong uri ng gawain.

Gayunpaman, ipinagkakatiwala umano ni Cato ang kanilang kaligtasan sa awtoridad at umaasang makatutulong ang mga ito sa pagtuldok sa lumolobong kaso ng pang-haharass hindi lamang sa mga Pilipino, bagkus maging sa buong Asian-American community.

"But we do hope that authorities exert more efforts to remove violent and dangerous people off the streets and make everyone – not just Filipino or other members of the Asian-American community – feel safe again," dagdag pa niya. 


Iniwasto ni Kyla Balatbat