Zubiri, Drilon kay baguhang senador Robin Padilla: ‘Mag-aral ka nang mabuti’
Ni Roland Andam Jr.
PHOTO: INQUIRER.net |
“Kailangang mag-aral ka nang mabuti.”
Ito ang nagtutugmang payo nina incoming Senate President Juan Miguel Zubiri at outgoing Senate Minority Leader Franklin Drilon kay Senator-elect at baguhan sa pulitikang si Robin Padilla.
Ayon kay Zubiri, dapat lamang na “pag-aralang mabuti” ni Padilla ang mga papasukin niyang komite sa Senado lalo na ang Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes na nakaamba niyang pamunuan kasabay ng Committee on Public Information.
“Let us listen to his arguments. Dapat pag-aralan niyang mabuti itong Constitutional amendments and revision of laws. Remember, revision of laws din ’yan so ’yung mga papalitan na batas, ’yung aamyendahan na batas, lalo na sa mga issues on criminal law and other corporate law, dadaan sa kanya ’yun,” sabi ni Zubiri.
Paglalahad pa niya, mga abugado ang karaniwang tumatangan sa pagiging chairperson ng naturang komite, katulad na lamang ng kasalukuyang namumuno rito na si outgoing Senator Francis “Kiko” Pangilinan, kaya’t kailangan aniyang pag-igihan ni Padilla na aralin ito.
“Sa totoo lang, abogado talaga ang humahawak ng committee na ‘yan pero gusto niya eh so baka magpakitang gilas ang ating kaibigan na si Senator Robin Padilla,” sabi ng senador.
“I have to appeal to him and bigyan ko ng payo at advice, mag-aral nang mabuti. Kailangan mag-aral ka nang mabuti kasi ang kausap mo diyan justices eh, constitutionalists,” dagdag pa niya.
Sinegundahan naman ang payong ito ni Zubiri ng 24-taong beteranong senador na si Drilon.
“I join the incoming Senate President Zubiri when he said that, ‘mag-aral ka ng mabuti.’ That is very clear advice that I join the incoming Senate President as our message to Senator-elect Robin Padilla,” pahayag ni Drilon.
Mangangailangan daw ng “a lot of schooling” ang baguhang si Padilla gayong hindi magiging madali ang kanyang trabaho na nangangailangan aniya ng “exposure to the Constitution” maliban pa sa kaalamang legal.
“The committee that he chose to head, Committee on Constitutional Amendment and Revision of Codes and Laws, this requires legal knowledge. And not only legal knowledge, you must have an exposure to the Constitution,” paliwanag ni Drilon.
“I don’t claim to know all of those but as certainly to a neophyte senator, who has no exposure to this subject, he needs a lot of schooling,” saad din niya.
Samantala, inihayag naman ni Zubiri na personal umanong kahilingan ni Padilla na maging taga-pamuno ng nasabing komite. Siya lang din aniya at wala nang ibang senador ang nagpahayag ng interes para sa posisyon.
Gayunman, hindi pa aniya tiyak kung si Padilla na ang uupong chair ng naturang komite dahil kailangan pa raw niyang “lapitan ang lahat ng miyembro” ng Senado para mangumbinsi na bagay siya para rito.
“Kailangan mahalal po ’yan ng mga miyembro. So kung mayroon pong mga miyembro diyan sa dami namin, sasabihin nila, hindi ka karapat-dapat doon sa posisyon na ’yan, kung hindi po siya karapat-dapat sa posisyon na ’yan, ay hindi siya ihahalal ng mga miyembro ng Senado,” diin ni Zubiri.
“So kailangan niya na lapitan lahat ng miyembro and convince them na you know, bagay ako diyan dahil mag-aaral ako nang mabuti, so hindi po automatic ‘yan,” pagpapalawig niya.
Si Padilla ang nanguna sa senatorial race nitong nagdaang Halalan 2022, na ayon sa pinal at opisyal na bilang ng Commission on Elections, nakakuha ang kilalang action star ng kabuuang 23,612,434 votes.
Kaugnay nito, pahayag pa ni outgoing Senator Drilon, “In fairness to the public who expects him to come up with policies insofar as not only the process of amending the constitution, but the substance of the amendments.”
Dagdag pa ni Drilon, “[Padilla] must be able to debate with your colleagues so you can come up with the most reasonable policy.”
Kung maaalala, nauna na ring nagsabi si Padilla na kukuha siya ng mga abogado para gabayan siyang gumawa ng batas sa Senado.
“Marami po tayong pwedeng kuning lawyer. Tapos na po tayo sa panahon na ang lawyer ang gumagawa ng batas kaya di niyo maintindihan,” pahayag ni Padilla sa isang panayam noong Pebrero.
Kalaunan, inanunsyo ni Padilla na ang talunan sa pagka-senador na si Atty. Salvador Panelo ang kaniyang magiging “legislative consultant, adviser, and mentor.”
Sa pagha-hire ng mga abogado ni Padilla, wala naman umanong mali ayon kay Zubiri, ngunit kailangan pa rin niyang mag-aral dahil siya ang magsasalita at makikipag-usap sa mga beteranong abogado at constitutionalists bilang mga resource persons.
“Kailangan ikaw ang magsalita eh. Hindi sila pwede magsalita, ikaw ang magsalita so you have to know the legal terminologies. Hindi pwedeng i-simplify ang napaka-complicated na legal terminologies,” giit ni Zubiri.
Sa kabila nito, mungkahi ni Zubiri, marapat daw bigyan ng “benefit of the doubt” si Padilla dahil maaari pa naman itong mag-aral bago magsimulang pamunuan ang Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
Iniwasto ni Phylline Calubayan