Ni Monica Chloe Condrillon

PHOTO: Reuters/Lisa Marie David


Inihain na sa Kongreso ang House Bill No. 44 o and Child Support Enforcement Act na maaaring tugon sa problema ng kakulangan sa suportang natatanggap ng ilang mga bata na ipinagkait sa kanila ng kanilang mga magulang.

Ipinanukala ito ni Northern Samar Representative Paul Daza na naglalayong maikulong ng dalawa hanggang apat na taon at pagmumultahin ng P100,000 hanggang P300,000 ang sinumang magulang na mabibigo sa pagbibigay ng sustento sa anak.

"Balasubas parents—time to shape up and face your responsibilities. It’s about time that we enact a law that will protect our children from deadbeat parents. Imagine, these children did not choose to be born; why will they be the ones to suffer more when their parents decide to separate?” paliwanag niya.

Hindi bababa sa P6,000 kada buwan o P200 kada araw ang dapat na halaga ng sustento ng mga magulang sa mga bata sa oras na mailathala ang kabuuan ng naturang kautusan.

Nakasaad din sa panukala na maaaring lumapit ang sinumang single parent sa pamahalaan upang humingi ng tulong sa paghahanap ng "balasubas at nang-abandona na kapareha upang magsampa ng kaso.

Kinakailangan lamang ang paternity test upang mapatunayan ang kanilang pagiging kadugo at naatasan din ang gobyernong tumulong dito sa pamamagitan ng PhilHealth at mga pampublikong ospital.

"Parents should be responsible for the survival and well-being of their children. In cases of families with an absent or deadbeat parent or when separation of couples/parents are not avoidable, the family should continue to provide an environment of well-being and security," paliwanag pa ni Daza.

Dagdag ni Daza, nakikita niyang kinakailangan ang panukalang ito dahil sa tala ng World Health Organization (WHO) noong 2018 kung saan mahigit 14 milyon na tirahan sa Pilipinas ang mayroong solong magulang lamang at aabot sa 95 porsyento dito ay mga ina.

“Through this proposed law, absentee or deadbeat parents--who are, unfortunately, mostly men, based on statistics--can no longer act as if bringing a child in this world can easily be tossed aside when a parent or both parents decide to give up on their relationship,” saad niya.

Gayunpaman, inalis pa rin nila ang kasarian bilang salik sa pagsusuri ng mga kaso gayong may mga pagkakataon ding ang mga ina mismo ang nang-aabandona ng mga anak kung kaya pipilitin din silang magbigay sustento.