Dos ni Vosotros, iginiya ang Gilas kontra Mongolia; lusot sa FIBA 3X3 Asia Cup semis

Ni Justine Juyad

Bumutas ng go-ahead two-point jumper si Almond Vosotros sa 1:35-minute mark upang pataubin ang numero unong Mongolia, 21-20, at iselyo ang semifinals berth para sa Gilas Pilipinas sa 2022 FIBA Men's 3X3 Asia Cup sa Singapore, Linggo.

PHOTO: FIBA Basketball

Umiskor ng limang magkakasunod na puntos ang former DLSU green archer upang burahin ang dalawang puntos na bentahe at pahiyain ang World's no.6 sa quarterfinals.

“I just shot it. Every time I’m open, I shot it. We didn’t give up and we gave our best,” pahayag ng tubong-Albay na si Vosotros matapos ang pigil-hiningang sagupaan.

Bago maipasok ang game-winning jumper, nagmintis ang 5'10" guard sa kanyang ikalawang free throw na agad namang nai-rebound ni Samboy De Leon at naipasa sa kanya upang tuluyang ipanalo ang laro.

Maalat ang naging panimula ni Vosotros subalit maaga namang nagpakitang-gilas si De Leon at binuhay ang opensiba ng Pilipinas, tampok ang dalawang 2-point shot, upang hindi mapag-iwanan ng kalaban.

Naipasok ni Almond ang kanyang unang dos sa 3:29-minute mark upang makasilat ng isang puntos na kalamangan, 15-14, na sinundan naman ng successful free throw ni Samboy.

Bumuslo ulit ng dos ang top scorer ng PBA 3X3 league sa huling 2:37 minuto upang hatakin sa tatlong ang kanilang bentahe, 18-15.

Napako sa 18-all ang iskor ng dalawang koponan at nalagay pa sa bingit ng pagkabigo ang mga Pinoy nang malagay sila sa 18-20 deficit, subalit agad namang bumwelta si Vosotros at nakakuha ng dalawang free throw.

Isa lamang ang naipasok ng TNT guard, subalit nagmistulang biyaya pa para sa kanila ang naturang mintisnang makuha nila ang rebound at napasa sa kanya para sa tirang magpapanalo sa mga nakaasul.

Nagtapos si Vosotros ng may kabuuang 8 points na sinundan naman ng 7 points ni De Leon at 5 points ni Joseph Eriobu.

Sa kabilang banda, maagang nagamit ng Mongolia ang kanilang size advantage nang sunod-sunod silang makapuntos mula sa ilalim upang maagang makuha ang momentum.

Binura ng 2017 Asia Cup gold medalist ang 3-point lead ng Gilas sa bandang dulo ng laro subalit hindi nila naapula ang nagbabagang kamay ni Vosotros at naupos ang kanilang tyansang magkamedalya.

Pinangunahan ni Anand Ariunbold ang Mongolia na tumikada ng 8 points, kasunod ng dagdag na anim ni Delgernyam Davaasambuu.

Samantala, bigo mang tibagin ng Gilas ang New Zealand sa semifinals, 13-21, buhay pa ang tiyansa nito para sa unang medalya ng torneyo sa gaganaping battle-for-third kontra China PR o Australia.   


Iniwasto ni Irene Mae Castillo
Previous Post Next Post