DOTr Secretary Bautista, kakasa sa ‘rush hour challenge’ sa MRT-3

Ni Lynxter Gybriel L. Leaño

PHOTO: The CEO Magazine

Hindi aatras sa hamon ang bagong Transportation Secretary na si Jaime Bautista sa pagsakay habang rush hour sa MRT-3.

"That's.. ah, one way of really feeling the.... knowing what's really happening in the sector," diin ni Bautista sabay sabing magiging sorpresa lamang ang kanyang pagsakay.

Ito ang sagot ng kalihim sa isang grupong humikayat sa kanyang sumakay ng MRT nang rush hour upang maranasan niya raw ang hirap na dinaranas ng mga commuter.

“Kaya kailangang rush hour siya mag-inspect kasi ‘yun ‘yung worst ang sitwasyon. Du'n niya makikita gaano katagal ‘yung pila, du’n niya makikita gaano kahaba,” pahayag ni Prime Morillo, convenor ng grupong The Passenger Forum.

Nagbunga ang paghamon ng grupo nang sumakay at mag-ikot sa MRT ang kalihim noong hapon ng Hulyo 4 sa mga estasyon ng Kamuning, Taft, at Shaw nang hindi ‘rush hour’.

Doon nakausap niya ang ilang pasahero kung saan naireklamo sa kanya ang mabagal na pila sa security checks, pagbili ng tiket, at pagsakay mismo sa tren.

Sa ngayon, unti-unti nang nagbibigay ng solusyon si Bautista kaugnay sa mga problema sa MRT-3 kagaya ng paglalagay ng dagdag na mga Commuter Welfare Desk, x-ray machines at emergency medical technicians.

Libre naman ulit ang sakay sa MRT-3 simula sa Agosto 22 hanggang Nobyembre 4, 2022 para sa mga estudyante upang makatipid sa araw-araw na panggastos sa gitna ng nagtataasang presyo ng pagkain at langis.


Iniwasto ni Niko N. Rosales
Previous Post Next Post