FACT CHECK: Hanggang hindi sobrang sira, tanggap pa rin ang bagong P1000-bill bilang pambayad

By Lance Arevada

PHOTO: Reylen Lopez/Facebook

Kumalat ang post ng isang Facebook user online kung saan kinuwento niyang hindi raw umano tinanggap ng isang kilalang shopping mall chain ang bagong P1000 na polymer bill niya bilang pambayad dahil raw ito ay nakatupi.

“‘Wag na po kayo mag-ipon ng bagong 1K! Bawal daw i-fold o tupiin as per SM management. I-pangbabayad ko sana ‘to, hindi nila tinanggap. Bawal daw tupiin,” ayon sa post ng isang nagngangalang Reylen Lopez na pinagpapasa-pasahan ngayon.

Makikita sa kanyang kinunang retrato ang nasabing perang hindi tinanggap, na malinaw na mayroong tupi sa gitna.

Inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Abril ang bagong P1000 na perang gawa sa materyal na polymer dahil sa security features, durability, at cost-effectiveness nito kung ikukumpara sa gawa sa abaca.

Ayon sa website ng BSP, dapat raw na mapanatiling patag, malinis, at walang bahid ng lukot o tupi ang nasabing P1000-bill upang mapangalagaan. Kung malukot man raw o matupian nang bahagya, maaari raw gamitin ang kamay upang mawala ito.

Dagdag pa sa kanilang inilabas na ‘do’s and dont’s,’ huwag raw masyadong tupiin o lukutin ang mga polymer na pera dahil raw maaari itong magkaroon ng permanenteng marka.

Gayunpaman, walang isinaad ang BSP na hindi maaaring tanggapin ang P1000 na polymer bill dahil lamang ito ay nakatupi. Isinasaad sa batas na ang mga perang mawawalan lamang ng halaga ay ang mga idedeklara ng BSP na “unfit for circulation.”

Batay sa Section 56 ng Republic Act 7653: “The Bangko Sentral shall withdraw from circulation and shall demonetize all notes and coins which for any reason whatsoever are unfit for circulation and shall replace them by adequate notes and coins.”

At ayon sa inilabas na frequently asked questions (FAQs) ng BSP, inaabisuhan ang publiko na ipapalit ang kanilang pera sa mga bangko kung maituturing itong “unfit for circulation” batay sa mga sumusunod:

  • May mabibigat na lukot at tupi na sumisira sa mismong materyal ng pera
  • Masyadong marumi at may mga kapansin-pansing marka o mantsa
  • Mukha nang basahan ang pera at masyado na ring lupaypay

Hanggang hindi ganito kalala ang mga sira ng perang papel, maaari pa rin itong gamitin sa pagbabayad at sa iba pang pinansyal na transaksyon.

Sa kabilang banda, wala pang inilalabas na pahayag ang BSP tungkol sa mga haka-hakang lumalabas online.

Previous Post Next Post