Gilas Women, laglag na sa FIBA 3x3 Asia Cup
Ni Girald Gaston
PHOTO: FIBA Basketball |
Bigong mapanatili ng Gilas Pilipinas Women ang kanilang magandang simula nang muling tumiklop sa bagong powerhouse na Thailand, 11-13, dahilan para tuluyang malaglag sa FIBA 3x3 Asia Cup Qualifying Draw B, Huwebes ng gabi sa Singapore.
Matapos ang dominanteng panalo sa unang sagupaan kontra Jordan, bigong makopo ng Gilas ang grupo na siya sanang magdadala sa koponan sa main draw, nang muli silang mapigil ng kampeon ng Southeast Asian Games na Thailand.
Tangan ng Gilas ang lamang patungo sa 2:27 minuto, ngunit mas produktibo ang mga Thai sa krusyal na parte ng laban upang maka-eskapo kontra sa Gilas na kanila ring pinabagsak noong semifinals ng SEA Games.
Nagawa pang umabante ng pambansang koponan sa huling 41 segundo matapos ang layup ni Afril Bernardino, 11-10, ngunit agad itong nabawi ni Rujiwan Bunsinprom sa kanyang and-one play na nagpalamang sa Thailand, 12-11, 22.8 segundo ang natitira.
Nagmintis ang go-ahead na dos ni Khate Castillo, na nagresulta sa libreng puntos sa ilalim ni Thunchanok Lumdabpang mula sa magandang pasa ni Bunsinprom, 13-11, dalawang segundo na lamang ang nalalabi.
Nakatira pa ng dos si Camille Clarin bago maubos ang oras, ngunit mintis ang kanyang buslo na siya sanang magdadala sa laro sa overtime.
Pinangunahan ni Bernardino ang Gilas matapos ang game-high 6 na puntos, lahat mula sa ilalim habang may apat na marka naman si Castillo at isa si Katrina Guytingco.
Sa kabilang banda, balanseng opensa ang sinandalan ng Thailand matapos ang tig-4 na puntos mula kay Bunsinprom at Lumdabpang, at pinagsamang limang puntos mula kina Prajuapsook at Thuamon.
Kahit pa mayroong 1-1 kartada ang Pilipinas, ang top team lamang na Thailand ang makakapasok sa main draw ng naturang patimpalak.
Iniwasto ni Irene Mae Castillo