‘Hindi na sila nakapagpahinga’: ACT party-list, umalma sa maikling bakasyon ng mga guro
Ni Juliana S. Frias
PHOTO: Screengrab from Jhay Ygoña Tuazon (YouTube) |
Nanawagan si Alliance of Concerned Teachers (ACT) Party-list Rep. France Castro nitong Miyerkules, Hulyo 13 sa Department of Education (DepEd) na kulang ang inilaan na bakasyon ng mga guro kaugnay ng pormal na anunsyong magsisimula ang klase sa School Year 2022-2023 sa Agosto 22.
Paliwanag ni Castro, marami pa ring trabahong kailangang tapusin ang mga guro sa nakaraang taong panuruan pati na rin ang kanilang puspusang paghahanda sa nalalapit na enrollment season.
Base sa DepEd Order No. 34 series of 2022, magsisimula ang enrollment mula Hulyo 25, habang ang Brigada Eskwela ay mula Agosto 1 hanggang 26. Ang pagsisimula naman ng klase ay sa Agosto 22 at magtatapos sa Hulyo 7, 2023.
Iginiit ni Castro na hindi kabilang sa DepEd Order No. 34 ang kompensasyon para sa mga araw na naghahanda sila para sa nalalapit na pasukan na dapat sana ay bakasyon o pahinga na nila.
“Wala sa nasabing department order ang pagbanggit sa sapat na kompensasyon para sa pagpapapasok sa mga guro sa kabila ng sa mga panahong iyan ay dapat nakabakasyon ang mga teachers natin,” aniya.
Ipinag-aalala raw niya na kailangan ulit pagdaanan ng mga guro ang nangyari noong S.Y. 2020-2021 kung saan hindi nabayaran ang mga overtime work na dapat ay bakasyon nila.
“Ayaw na nating maulit ang nangyari noong S.Y. 2020-2021 kung saan nauwi sa ‘thank you’ na lamang ang labis na pagpapapasok sa mga guro sa panahon na dapat sila ay nagpapahinga at nagpapalakas para sa susunod na school year,” pagpapaalala ni Castro.
Ayon kay ACT chairperson Vladimir Quetua, ito ang tinatawag na Proportional Vacation Pay (PVP) na natatanggap ng mga guro sa loob ng dalawang buwang bakasyon o pagkatapos ng 10 buwang pagtatrabaho kapalit ng leave benefits bilang kompensasyon sa pagtatrabaho nila ngayong bakasyon.
“Sa pagbubukas nito, isang violation na naman ang nagawa ng DepEd dahil kung tutuusin natin after June 24 ay bakasyon na ang mga guro. Kaya kung magbubukas sa August 22, isang usapin dito, walang bakasyon ang mga guro kaya ang panawagan namin dito bayaran yung mga guro na lagpas doon sa takdang panahon niya, tinatawag naming [Proportional Vacation Pay],” ani Quetua.
Iwinasto ni Princess Bernadette Deniega