Ni Juliana S. Frias

PHOTO: The Manila Times

Kaagad na umalma ang susunod na Senate President na si Senador Juan Miguel Zubiri sa inihaing panukala sa Kongreso na muling nagsusulong sa charter change o pagbabago ng Konstitusyon ng bansa, partikular sa termino ng mga hinahalal na opisyal.

Ayon sa House Resolution No. 1 na inihain ni Pampanga 3rd District Representative Aurelio Gonzales Jr., ang pangulo at pangalawang pangulo ng bansa ay manunungkulan sa loob ng limang taon at maaaring maihalal muli ng isa pang termino.

Banat naman ni Zubiri, magiging kontrobersiyal daw ang isyung ito lalo na’t kauupo pa lamang ni President Ferdinand Marcos Jr. at hindi raw nila ito priyoridad.

“Hindi pa tapos ang COVID-19, so we have to support the President in his, of course, health program sa darating na mga buwan… I would say right now that’s (charter change) not our priority,” ani Zubiri sa isang panayam.

Kinatigan rin ng iba pang mga senador ang pagtutol sa pinapanukalang charter change, dahil daw mas mahalagang pagtuunan muna ng pansin ang ekonomiya lalo na sa kinakaharap nitong mga krisis sa pagtaas ng inflation rate, pagsipa ng presyo ng langis, at food security.

“With what's happening in the country…we should focus on these issues at hand and opening up, and amending the constitution will take a lot of time here in Congress and the Senate and mawawala ang focus natin in addressing the present issues right now," ayon kay Senador Win Gatchalian.

Giit pa nila, hindi ngayon ang panahon para sa pagbabago ng Konstitusyon at nararapat daw na pag-isipan munaito nang mabuti dahil hindi naman daw haba ng termino ang pangunahing dahilan ng mga problema na kinahaharap ng bansa.

“Hinay-hinay po tayo sa constitutional amendments. The problems we are facing as a people and as a society are not caused by the length of the terms of elective officials… Do not rush but start or re-start the discussion,” ani Senador Koko Pimentel.

Para naman kay Senador Jinggoy Estrada, “While I have yet to read Cong. Gonzales’ proposed measure, I am sure that many will agree with me that not only is it premature, it is likely to be misconstrued as self-serving.”


Iniwasto ni Princess Bernadette Deniega