Ni Nikki H. Coralde

Mariing tinutulan ni Senador Robinhood Padilla ang mungkahing pataasin ang buwis ng mga mayayaman dahil ito raw ay "adding insult to injury" bunsod na rin ng sunod-sunod na pagtaas ng bilihin gaya ng langis at iba pang mga pangunahing pangangailangan.

Photo Courtesy of George Calvelo (ABS-CBN News)/The Philippine Star

Sa isang pahayag nitong Hulyo 22, sinabi ni Padilla na kailangan munang tiyakin na hindi maaapektuhan ang mga ordinaryong mamamayan dahil mauuwi sa cost-cutting ang mga kumpanya kasunod ng pagtaas ng buwis. 

“Kailangan malinaw kung saan kukunin sa mga super-rich, dahil ang kadalasan sa salita lang ‘yan na 'sa kanila kukunin' pero mauuwi sa cost-cutting ng kumpanya o individual na ang tatamaan ‘yung mga maliliit,” paliwanag niya.

“Ang mga super-rich ay may mga financial lawyers and advisers na nag-aaral at nagbibigay proteksyon sa kita ng kanilang mga kliyente at kumpanya. Sa pagkakaalam ko nga po may departamento ‘yan sa mga opisina,” dagdag pa ng bagitong senador.

Matatandaang iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagpapataas sa ibabayad na buwis ng mga mayayaman upang magkaroon ng dagdag na kita ang gobyerno. 

Gayunpaman, inilarawan ni Padilla na isang “malaking kabaliwan” ang panukalang ito lalo na sa kasagsagan ng problema ng bansa sa COVID-19 at ekonomiya. 

“Bagamat ito ang pangkaraniwang solusyon ng pangkalahatan ng mga gobyerno, pero sa ngayon, maituturing itong isang malaking kabaliwan dahil ang magdagdag ng tax sa gitna ng patong-patong na crisis na ito ay adding insult to injury. Saan daw kukunin ang tax sa kanila?” pahayag ni Padilla. 


Iniwasto ni Irene Mae Castillo