Petro Gazz, dinukwit ang kanilang unang panalo kontra Cignal HD

Ni Winlei Kim Castro

PHOTO: PVL

Nakuha rin sa wakas ng Petro Gazz Angels ang kanilang unang panalo matapos dismayahin ang walang-talong Cignal HD Spikers, 3-1, Martes sa Premier Volleyball League Invitational Conference sa Filoil EcoOil Centre.

Matapos ang apat na sunod-sunod na pagkatalo, bumangon mula sa 0-1 set deficit ang Petro Gazz at tagumpay na ipinalasap sa Cignal HD ang kanilang unang talo sa nasabing torneyo.

Binuhat ni veteran setter Chie Saet ang Angels nang magtala ng apat na puntos, at 28 excellent sets dahilan upang hiranging best player of the game.

"Sobrang overwhelmed kami lahat kasi pinaghirapan naman din talaga namin. Gaya ng sabi namin kanina, ibibigay namin yung best namin and itatawid namin 'to ng maayos," ani Saet sa isang press conference.

Nagsumite naman si Aiza Pontillas ng 19 puntos na purong attacks habang naglista ng 17 puntos si Mary Remy Joy Palma, sapat para tuluyang ipanalo ang laban.

Sa kabilang banda, nagbaon ng 3-setter win ang Black Mamba Army Lady Troopers kontra Chery Tiggo Crossovers at maiusad sa 3-2 ang kanilang kartada.

Nanguna naman si Ivy Perez para sa Black Mamba Army na nag-ukit ng anim na puntos, dalawang aces, at 18 excellent sets, swak para makuha ang ikatlong panalo.

"Gusto ng lahat manalo, gusto ng lahat magperform, lahat pumasok sa court, kaya once makapasok sila sa court talagang nagbibigay sila ng numbers talaga," ayon kay Perez sa interbyu tungkol sa kanilang teamwork.

Samantala, hindi naman sumapat sa panalo ang tig-11 puntos na ambag nina Mylene Paat at ni Shaya Adorador para sa Chery Tiggo.

Magtatapat ang Black Mamba Army at Creamline Cool Smashers habang ang Cignal HD ay kokontra sa PLDT High Speed Hitters sa Sabado.
Previous Post Next Post