Quiboloy sa Rappler shutdown: ‘Tama lang, dapat noon pa’

Ni Kier James Hernandez

PHOTO: Rappler/Cebu Daily News 

Iginiit ni Pastor Apollo Quiboloy, ang self-proclaimed "appointed Son of God," na nararapat lamang ang pagpapatibay ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa hatol nitong tuluyang ipasara ang digital media company na Rappler.

Banat ni Quiboloy, marami umanong nagawang paglabag sa batas ang nasabing media company at tinawag pa itong “crappler.”

Daming mga violations na ginawa ang [C]Rappler na 'to kaya tama lang ang SEC na i-revoke ang kanilang registration, finally.

"No one is above the law,” hirit pa ni Quiboloy sa kanyang lige telecast, Hunyo 29.

Idinagdag din ng FBI-wanted na pastor na hindi naman raw maka-Pilipino ang Rappler, at bagkus ay pabor sa mga dayuhan kaya  raw malakas umano silang manira sa pamahalaan.

Eh dapat nga noon pa 'yan e. Pagkatapos ang lakas pang mag-ano nito ... Ang [C]Rappler na ito, 'di naman para sa mga Pilipino 'to e, para sa foreigner 'to e. Ang foreign interest ang kinakatigan nito e, hindi naman ang Filipino interest kaya malakas silang manira sa mga polisiya ng ating pamahalaan.

Hindi rin naiwasang ungkatin ng pastor ang umano'y pang-iintriga ng Rappler sa naging pagdalo niya sa kaarawan ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Patutsada pa niya, inaabangan daw siya at ang kaniyang media company na Sonshine Media Network International (SMNI) para umano banatan lamang ng Rappler.

Sa huli, nilinaw niyang "walang iyong personal sa akin. Konstitusyonal ito ah. Violation of our constitution and our mass media laws."

Patuloy pa ring tinutugis ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos si Quiboloy dahil sa patong-patong na kaso ng sex trafficking at cash smuggling.

Samantala, ayon naman sa inilabas na pahayag ng Rappler, maghahain sila ng apela kontra sa pasya ng SEC lalo pa't ito anila'y ‘highly irregular.’

Nag-ugat ang isyu sa sinasabi ng SEC na paglabag ng Rappler sa nakasaad sa Konstitusyon na pagbabawal sa mga dayuhang magmay-ari ng negosyo sa loob ng bansa.

Giit pa ng SEC, nagbenta umano ang Rappler ng kontrol sa mga dayuhang investors, partikular na sa Omidyar Network na pagmamay-ari ng negosyanteng nagtatag sa eBay na si Pierre Omidyar.

Nauna na rin itong itinanggi ng Rappler at nilinaw na hindi binigyan ng kontrol sa kanilang kumpanya ang Omidyar Network.

Saad pa ng media entity, tinanggap naman noong 2015 ng SEC ang Philippine Depository Receipt (PDR) kung saan namuhunan ang Omidyar Network.

Sa kabila ng lahat ng ito, “business as usual” at tuloy pa rin ang operasyon ng Rappler, ayon naman sa co-founder nito at Nobel Peace Prize laureate Maria Ressa.

It is business as usual for us since, in our view, this is not immediately executory without court approval.


Iniwasto ni Maverick Joe Velasco
Previous Post Next Post