Rainy season is here, Dengue is coming: DOH, nakapagtala ng 0.15% dengue fatality rate nitong mga nakaraang buwan

Ni Jhennisis Valdez

PHOTO: Healthline

Inanunsiyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Mayo 18 sa publiko na simula na ang tag-ulan sa bansa, ngunit kasabay ng maulan na panahon sa Pilipinas, nagsilbing baha naman ang mga lamok sa bansa na kung saan nagmistulang bampirang may dalang sakit - ang Dengue virus, na siya namang muling ikinabahala ng sambayanang Pilipino.

Umabot sa 0.15% fatality rate ng dengue ang naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa nitong mga nakaraang buwan, na siyang umabot sa 217 tao ang nasawi.

Samantala, ayon sa ahensya, mas mababa ang datos na naitala ngayon kumpara noong nakaraang taon na umabot sa 0.6% ang fatality rate.

Sumampa naman na sa bilang na 11,680 ang mga Pilipinong nagkaroon ng Dengue ngayong taon, magmula noong Enero hanggang ngayong Hunyo.

Dagdag pa rito, datapwat mas maliit ang porsiyento ng fatality rate ngayong taon, ayon sa DOH mas lumobo naman ang bilang ng kaso ngayon kumpara noong nakaraang taon, na tinatayang 45% na mas mataas.

Batay sa datos, nanguna ang rehiyon ng Central Visayas sa pinakamaraming kasong naitala ngayong taon na umabot sa 5,863 o 13% ng kabuuang kaso. Sinundan naman ito ng Central Luzon na nakapagtala ng 5,773 kaso, at pumangatlo naman ang Zamboanga Peninsula na mayroong 4,416 kaso.

Maliban sa tatlong rehiyon na nabanggit, tumaas din ang kaso ng dengue sa mga rehiyon ng MIMAROPA, Western Visayas, Davao Region, BARMM, at CAR.

Ayon naman sa kagawaran, itinuturing na endemic ang Dengue virus sa bansa dahil kabilang ang Pilipinas sa tinatawag na ‘tropical zones’ ng mundo, kung saan ay kumportableng namumuhay ang iba’t ibang uri ng lamok.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng Dengue, nagbigay ng babala ang DOH sa sambayanan upang maiwasan ang pagkakaroon ng Dengue.
Paalala ng DOH, upang maiwasan ang Dengue, panatilihing malinis ang paligid, palaging suriin ang mga container na pinaglalagyan ng tubig, sapagkat maaari itong pamahayan ng mga lamok. 

Isa pang paraan ay ang paggamit ng insect repellent lotions upang makaiwas sa kagat ng kahit anong uri ng insekto, lalo na ang lamok.

Ayon pa sa kagawaran, agad magpakonsulta sa pinakamalapit na ospital kapag nakaramdam ng pagsusuka, pananakit ng ulo, pagsakit ng kalamnan, pagkakaroon ng rashes, pamumula ng mga mata, at pagkakaroon ng lagnat - sapagkat ilan lamang ito sa mga sintomas ng Dengue virus.

Sa ngayon, mayroon naman nang vaccine upang malabanan ang virus dulot ng dengue. Ligtas naman ito ayon sa DOH, ngunit kakaunti lamang ang nagpabakuna nito, dahil sa isyung nangyari noong 2016 na kung saan libu-libong estudyante ang nasawi pagkatapos magpabakuna..

Dahil sa kakaunting bilang ng mga Pilipinong naturukan ng Dengvaxia, mas maigi na lamang na magkaroon ng kaalaman ang lahat kung paano maiwasan ang Dengue. Ika nga, prevention is better than cure. Sa simpleng pagsunod sa mga abiso ng DOH, mae-enjoy ng lahat ang lamig na dulot ng tag-ulan. 


Iniwasto ni Maverick Joe Velasco
Previous Post Next Post