By Zamantha Pacariem

PHOTO: AP/Bullit Marquez


“Napakabigat ng suliranin ng ating bayan. At bakit ba tayo pinili ng Pangulo, maybe he chose me because I can get things done.”

Ito ang babala ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa kanyang unang araw sa pwesto sa mga diumanong sindikato sa Land Registration Authority (LRA), Bureau of Immigration (BI), at Bureau of Corrections (BuCor), na tinukoy niya bilang mga problematikong opisina sa kanyang pamamahala.

Aniya, sa lahat ng mga ahensya na nasa ilalim ng Department of Justice (DOJ), ang tatlo ang may pinakamaraming isyu kung kaya't kinakailangan ang mga itong pagtuunan ng pansin at tulong.

Talamak naman umano sa sa BI ang “extortion syndicates, human trafficking syndicates, and protection syndicates.”

“Gusto ‘nyo bang magtagal pa ang ganitong imahe ng ating bansa dahil may departamento, may isang opisina na nakakalimot na sa kanyang mandato na paglingkuran ang taumbayan?” pahayag ni Remulla.

Matatandaang nakasuhan ang ilang opisyal sa immigration ng plunder dahil sa bribery scam kasama ang gaming tycoon na si Jack Lam sa ilalim ng administrasyong Duterte. 

Bukod pa rito, nakasuhan din ang ilan sa mga opisyal nito na sangkot sa pastillas scam kung saan kinikikilan ang mga Chinese national upang makapasok sa bansa. 

Nang banggitin naman ng Justice Secretary ang isyu ng  BuCor, umalingawngaw ang mga pagsang-ayon ng mga empleyado. 

Matagal nang nasasangkot ang BuCor sa mga iba’t ibang isyu ukol sa korapsyon at katiwalian, kabilang na ang kontrobersyal na good conduct and time allowance noong 2019, pagbebenta ng  ilegal na droga sa Bilibid, at ang mga hindi mabilang na riot sa loob ng kulungan. 

Samantala, binigyang diin naman ni Remulla na sigurado siyang karamihan sa mga nasa tatlong ahensya ay “good people," at ang iilan lamang ang dapat mangamba. 

“99.9% in these agencies are good people, to the .1% that is not, probably it will be a different day for all of them," ani nito. 


Iniwasto ni Ricci Cassandra Lim