ni Monica Chloe Condrillon

PHOTO: John Sitchon / Rappler

Ipinagdiwang ng siyudad ng Cebu ang Pride Month noong nakaraang buwan na may dagdag galak nang saktong naipasa rin ang Sexual Orientation, Gender Identity, Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Ordinance nitong Hunyo 22, na ngayon ay patuloy pa ring naghihintay sa pirma ng alkalde na si Michael Rama.

Kinikilala ng naturang Ordinance 2660 ang karapatan ng mga tao sa kani-kaniyang SOGIESC at ang pangangalaga sa kanilang dignidad, pagtiyak sa pagkakapantay-pantay, at ang kalayaan sa pagpapahayag ng sarili.

Plano itong makamit sa pamamagitan ng paglalaan ng opisina upang pangalagaan ang mga ito, pagbuo ng programa, at paglalaan ng pondong mula sa opisina ng kanilang Gender and Development (GAD).

Nangako ang punong may-akda ng ordinansa at ang pangulo ng pederasyon ng Sangguniang Kabataan ng siyudad na si Jessica Resch, na sisiguraduhin niyang maaprubahan ito para pagtibayin ang karapatan ng komunidad ng lesbian, gay, bisexual, transgender, and queer (LGBTQ).

“I am very proud to raise this privilege and at the same time humbled to carry the voice of the LGBTQ+ community for their quest for inclusion, equity, and equality in this society…This humble representation filed a proposed legislation to heed their outcry to the community to be included in government in their programs for sectoral development,” aniya.

Itatatag ng ordinansa ang SOGIESC Pride Empowerment Council (SPEC) na tututok sa paghawak ng mga programang tutugon sa pangangailangan ng mga LGBTQ+ at maglalaan ng mga pondo para sa naturang sektor.

Aabot sa halagang P3 milyon ang ilalaan na taunang budget sa SPEC at sa iba pang programa para sa SOGIESC.

Isinusulong din sa ilalim nito ang pantay na pagtanaw sa mga tao sa kabila ng kanilang SOGIESC at pagbabawal sa gobyerno at establisyimento na hadlangan ang mga karapatan ng sektor sa lipunan.

“When you go to clubs, there are dress codes. When you go to changing rooms, it only allows for men and women…. Finally, when our LGBTQIA members feel that when their rights are being violated or their identities are affected by people’s biases, they can use this ordinance,” ani naman ni Magdalena Robinson na nagtatag ng Cebu United Rainbow LGBT Sector (CURLS) Incorporated.

Mapaparusahan na rin ang sinumang lalabag dito at magpapakita ng diskriminasyon at karahasan laban sa mga kinauukulan, na siyang magmumulta ng P1,000 at pagkakulong ng 30 araw sa unang pagkakasala, P3,000 sa ikalawa, at P5,000 sa pangatlo na maaari ring makulong ng 30 araw.


Iniwasto ni Patrick Belas