SONA ni BBM, bigong talakayin ang ilang isyu ng masa — mga progresibong grupo
Ni Roy Raagas
Binigyang-diin ng ilang militanteng grupo na sa kabila ng mahabang Statement of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bigo nitong natalakay ang ilang kritikal na isyu na kasalukuyang kinakaharap ng mga Pilipino.
Photo Courtesy of Kilusang Mayo Uno/Rappler |
Ayon sa pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU), hindi nabigyan ng atensyon sa SONA ng pangulo ang krisis na kinakaharap ng mga manggagawang kontraktwal.
“Napaka-basic po ng aming mga demands. Dapat itaas ang sahod at yung contractualization na talagang bumabagabag sa maraming mga manggagawa ay hindi man lang na-address. Yung labor export policy ay magpapatuloy,” wika ni Kilusang Mayo Uno (KMU) Chairperson Elmer Labog.
Binatikos din ng Federation of Free Workers (FFW) ang bigong pagtalakay ni Marcos patungkol sa isyu ng kontraktuwalisasyon.
Ayon pa kay FFW National President Sonny Matula, tila tahimik ang pangulo sa ganitong mga usapin.
Dagdag pa rito, binanggit din ni Labog na hindi rin napag-usapan ang problema sa kontrobersyal na Rice Tarrification Law (RTL), lalo na sa pag-angkat ng basic commodities.
Kaugnay ng pahayag, naging dagok din ang epekto ng mismong batas na ito sa karanasan ng mga magsasaka.
“The cost of production is high and it’s possible that we will even have nothing left for us since we also have debts to pay. That’s why we’re really asking the government for help,” sabi ni Jose Vidal, magsasaka sa San Jose, Occidental Mindoro.
Matatandaang pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang nasabing RTL o Republic Act 11203 noong 2019.
Samantala, ipinaliwanag naman ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na sa kabila ng mahabang listahan ng proyektong binanggit ni Marcos, tila nagkulang siya ng detalye kung paano makakatulong ito sa mga mahihirap.
Ayon sa kanila, nagawang sabihin ni Marcos na malaki ang posibilidad ng inflation rate, ngunit hindi nailahad ang solusyon kung paano mapapababa ang buwis at kung paano itataas ang kita ng mga manggagawa.
Pinagdudahan din ng ilang grupo ang kagustuhan ng pangulong ituloy ang proyektong Build, Build, Build na naiwan ng nakaraang administrasyong Duterte.
“How will he rationalize fiscal policy when the government is poised to continue spending for infrastructure over social services and economic development? Will he build more airports and bridges or more hospitals and schools?” dagdag pa ng grupo.
Naganap ang SONA ni Marcos nitong Lunes, Hulyo 25, kung saan tinalakay niya ang programa ng kanyang pamahalaan mula sa pagbangon ng ekonomiya at pagtugon sa krisis ng iba't ibang sektor na nagtagal nang higit isang oras sa Batasang Pambansa.