Ni Diana Mae Salonoy

Inilabas ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) ang 23-member pool na kakatawan sa Pilipinas sa paparating na 7th AVC Women's Cup sa Agosto 21-28. 

Pangungunahan ng UAAP S84 Women's Volleyball champs NU Lady Bulldogs ang koponan na binubuo nina Season Rookie-MVP Bella Belen, Alyssa Solomon, Ivy Lacsina, Lams Lamina, Jennifer Nierva, at Kamille Cal.

Produkto ng NU Nazareth School, gumawa ng ingay ang bagitong Lady Bulldogs matapos walisin ang Women's volleyball tilt, 16-0, at makopo ang una nilang titulo sa loob ng 65 taon.

PHOTO: Inquirer Sports

Kasama rin sa listahan ang De La Salle Lady Archers na sina Leiah Malaluan, Thea Gagate, Leila Cruz, Mars Alba, Jolina Dela Cruz, at Fifi Sharma, na nagtapos bilang runners-up dala ang 10-4 kartada sa buong torneo.

Pasok din sa national team ang star players ng third place-finishers Ateneo Lady Eagles na sina 2nd Best Outside Spiker Faith Nisperos, Vanie Gandler, at AC Miner. 

Lalarga pa sa lineup sina S84 best scorer Eya Laure, Imee Hernandez at Bernadett Pepito ng UST Lady Tigresses, Alyssa Bertolano ng UP Lady Maroons, at sina Louie Romero at Trisha Genesis ng Adamson Lady Falcons. 

Kukumpletuhin nina Casiey Dongallo at Jelai Gajero mula California Precision Sports ang pool na titimunin ni Brazilian coach Jorge Edson Souza De Brito.

Conflict of Schedule

Ayon kay PNVF Commissioner Tony Boy Liao, mahigpit na schedule ang dahilan ng pagsabak sa collegiate stars sa halip na mismong national team, na pawang kasali sa Premier Volleyball League (PVL) Invitationals. 

"If we will get players again from the PVL, since we have the ongoing Invitationals, they won’t have time to train for the national team like what happened in the SEA Games," saad ni Liao sa isang press conference.

Gayunpaman, malaki ang tiwala ng kume sa collegiate athletes na aniya'y magkakaroon ng mas mahabang preparasyon. 

"Tapos na ang UAAP, I think the players from the collegiate level will have more time to train with the national team...mabibigyan [sila] ng magandang experience, training, at international exposure," dagdag pa ng PNVF head. 

Makakasama ng Pilipinas sa Pool A ng AVC for Women ang China, South Korea, Iran, at Vietnam, habang nasa Pool B naman ang Thailand, Kazakhstan, Japan, Chinese Taipei, at Australia. 

Nakatakdang i-host ng Pilipinas ang 7th Women's AVC Cup sa Quezon City makaraang ikansela ang hosting nito sa 2021 Asian Championships dahilan sa COVID surge. 


Iniwasto ni Irene Mae Castillo