Ni Ryann Yap

Kumonekta ang Meralco Bolts ng isang matikas na 99-88 panalo kontra San Miguel Beermen upang itabla ang serye, 1-1, sa Game 2 ng PBA Philippine Cup semifinals sa Smart Araneta Coliseum, Biyernes.

Photo Courtesy of Philippine Star

Kumislap si Aaron Black sa huling yugto upang matuldukan ng Bolts ang tinitimplang bawi ng katunggali matapos silang maungusan sa iskor ng Beemen sa ikalawa at ikatlong kwarter.

Bumira si Black ng 15 puntos, pito mula sa ikaapat na yugto, na agad sinuportahan ng 17 puntos at 14 rebounds ni Cliff Hodge, pati ng 15 puntos ni Allein Maliksi upang dalhin ang Meralco sa tagumpay.

“Total team effort para sa’min, kasi San Miguel is a really tough team so syempre kapag dumating kami sa game, we really think about doing it as a unit,” ani Black matapos ang laro.

Umusbong agad ang opensa ng Bolts sa unang kwarter, 34-20, at lumamang pa ng hanggang 17 sa sumunod na yugto na lalong nagpahirap sa tangkang resbak ng Beemen.

Hindi naman sumapat ang game-high 22 puntos at 17 rebounds ni June Mar Fajardo upang makahabol ang San Miguel at sa halip ay tuluyang kinapos sa dulo.

Sa kabilang banda, mainit na napigilan ng Magnolia Chicken Timplados Hotshots ang huling yugtong resbak ng defending champs TNT Tropang Giga, 92-88, upang i-pantay din ang serye sa kanila ikalawang laro sa parehong event at venue.

Hindi pinadikit ng Hotshots ang Tropang Giga matapos pangalagaan ang malaking abante na umabot pa sa 19, 77-58, sa ikatlong kwarter.

Naglista ng game-high 22 puntos ang beteranong si Marc Barroca upang pagharian ang opensa ng Magnolia, kasangga ang 20 puntos ni Ian Sangalang, at 18 na tala ni Calvin Abueva.

Nanatiling matatag ang Hotshots matapos magpaulan ng dalawang tres ni Kelly Williams, 84-88, na nagpababa ng kanilang hinahabol sa dalawang puntos, 88-90, sa huling tatlong segundo ng duwelo
Bagama’t nagmintis ang ikalawang free-throw ni Barroca, natawagan ng foul si Matt Ganuelas-Rosser sa rebound play ni Abueva para maiangat pa ng Magnolia sa 92-88 ang iskor at angkinin na ang Game 2.

Umariba naman ang opensa ni Mikey Williams sa second half matapos ibuslo ang 25 sa 28 niyang puntos sa laban para marespondehan ang pagkabaon at bigyang tsansa ang TNT.

Gaganapin ang Game 3 ng parehong serye sa darating na Lunes.


Iniwasto ni Irene Mae Castillo