Clarkson, tumikada sa unang home game kontra Saudi Arabia
Ni Manuel Arthur Machete
Tinuldukan ng Gilas Pilipinas, sa pamumuno ni Jordan
Clarkson, ang kanilang malamyang simula makaraang magtala ng 47-18 sa second
half ng dwelo, daan upang makopo ng NBA star ang kaniyang unang panalo sa bansa,
84-46, sa Mall of Asia Arena noong Agosto 29.
Photo Courtesy of FIBA Basketball |
Nagpaskil ang dating NBA Sixth Man of the Year ng 23 points, five rebounds, at six assist habang sumegundo naman si Adelaide 36ers center Kai Sotto ng game-high 16 markers at 13 boards para masikwat ang kanilang kaisa-isang panalo sa fourth window ng FIBA World Cup Asia Qualifiers.
“(Once I stepped my shoe on the court), I can already feel the energy of the crowd,” pahayag ni Clarkson sa isang panayam ukol sa kaniyang unang laro sa Pilipinas. “I can’t wait to come back here again, play some more games ang get some wins.”
Naging matikas ang simula ng unang quarter makaraang maangkin ng Fil-Am guard ang siyam na puntos matapos magpakawala ng 3/4 3FG, kabilang na ang three-point clutch, upang ikarga ang iskor sa 11-14, panig sa KSA.
Patuloy pa sa pag-ariba si Clarkson sa ikalawang canto matapos maiposte ang jelly lay-up mula sa assist ni Kiefer Ravena sa ika-9:32 minuto. Nagdagdag pa ng lob si Clarkson sa kapwa-crowd favorite na si Sotto para iukit ang 18-18 bentahe.
Nahablot na ng Gilas ang kalamangan sa Saudi Arabia, 21-18, makaraang maisalba ni Clarkson ang tangkang painted-area shot mula sa foul ni Mohammed AlMarwani sa oras na 6:55 minuto.
Pagdako sa third quarter, nagpakawala ng poster dunk ang Utah Jazz standout kontra kay Arabian forward Musab Kadi sa ika- 7:56 minuto na nagpayanig sa mahigit 19,800 na manonood sa nabanggit na Arena, 43-28.
Inangat pa ni Clarkson sa 75% ang kaniyang 3FG sa oras na 1:29 minuto ng ikatlong canto matapos maipaskil ang asam na three-point jump shot upang palobohin sa 20 puntos ang kalamangan ng Gilas, 56-36 kartada.
Ikinandado na rin ng Gilas Pilipinas ang dwelo sa iskor na 84-46, dahilan upang maangkin ni Clarkson ang kaniyang unang panalo sa FIBA Qualifier habang naglalaro sa bansa bago bumalik sa USA para maghanda sa paparating na NBA season.
Matapos ang nasabing pagkapanalo, nakaakyat sa ikatlong pwesto ng Group E ang Gilas Pilipinas matapos magkubra ng 3/3 W/L Record. Nananatili sa liderato ang New Zealand na may 6/0 bentahe habang pangalawa naman ang Lebanon na may 5/1 kartada.
Edited by Quian Vencel Galut