COVID-19 vaccine wastage, umabot sa higit 20 milyon— DOH

Ni Xhiela Mie Cruz

Lantarang inanusyo ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Agosto 15, ang mabilis na pag-angat ng bilang ng mga bakuna kontra COVID-19 na nag-expire ngayong buwan.


Photo Courtesy of DOH/Dreamstime.com


Ayon sa ulat na inihayag ni Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, lumobo sa 8.42 porsyento o tinatayang 20.6 milyong bakuna ang nasayang. Halos doble ito ng 4.7 porsyento na naitala noong Hunyo.

Dagdag pa rito, inihayag din ng DOH na nangako umano ang World Health Organization (WHO)’s COVAX Facility na agad na papalitan ang nag-expire na mga bakuna laban sa COVID-19. Ang mga naturang pamalit na bakuna ay aasahang darating sa Disyembre ngayong taon.

“The Covax has agreed to replace all expired vaccines, regardless [of] whether they were procured by the government or private or if they were donated supplies, upon the request of the government of the Philippines as long as these replacement vaccines will be used and will not expire again,” pahayag ni Vergeire.

Sa kabilang banda, nagbigay ng saloobin si Senador Risa Hontiveros kaugnay sa naturang usapin bilang tugon sa kasalukuyang isyung kinakaharap ng bansa.

"Malaking halaga po ito kesahodang procured ‘yan or donated ‘yan at mas nakakahiya sa mas mahihirap at nangangailangan pang bansa kumpara sa atin kung ‘yung mga donated vaccines sa atin — bilateral man o sa pamamagitan ng Covax — ay nasayang,” ani Hontiveros.

Bago pa ito, matatandaang may kabuuang 1.6 milyong bilang ng bakuna ang nakatalagang mag-expire ngayong Agosto base sa iniulat ng pamahalaan noong nakaraang buwan na nagresulta sa pagkabalewala ng daang-milyong pera ng taong-bayan.

Kaugnay nito, tinatayang sumipa na sa 4.2 milyong bakuna ang dumagdag sa bilang ng nag-expire dahil 632,000 ang kabuuang bilang ng nadagdag ngayong buwan sa 3.6 milyong kaso nito noong nakaraang buwan.


Iwinasto ni Maverick Joe Velasco 

Previous Post Next Post