FIBA U18: Amos, kinarga ang Batang Gilas; tapatang Gilas-Lebanon sa quarters, kasado na
Ni Winlei Kim Castro
Inokupahan ng Gilas Pilipinas U18 ang silya sa unahan ng Group C matapos mag-ukit ng 84-73 come-from-behind na panalo kontra kapwa undefeated team, Chinese Taipei sa FIBA U18 Asian Championship, Martes, sa Azadi Basketball Hall sa Tehran, Iran.
Mula sa dikdikang third quarter, sinimulan ng Gilas Pilipinas U18 ang huling kanto sa maiinit na tres na hatid ni Mason Amos, dahilan para makuha ang tempo ng laro at sa huli ay makumpleto ang sweep sa kanilang grupo.
Sumapat ang 28 puntos, anim na rebounds, at tatlong assists ni Mason Amos upang pangunahan ang Gilas Youth, 13 sa kabuuang puntos niya ay nakolekta ng Filipino-Aussie sa ikaapat na kwarter.
Pinanipis ng Gilas Pilipinas U18 ang 10-point lead na kalamangan ng Chinese Taipei, nang maglista ng 12-3 clutch run bilang panapos ng ikatlong kwarter at maitabla ang iskor sa 60.
Nag-ambag naman si James Nacua ng 16 markers habang tig-siyam naman ang isinumite ni Joshua Coronel at Seven Gagate para tulungan si Amos sa lakbay patungo sa quarterfinals.
Sa kabilang banda, kinulang ang 24 puntos at pitong boards na itinala ni Chun Sheng Chang para dismayahin ang Gilas boys.
Nagtapos sa ikalawang pwesto ang Chinese Taipei bitbit ang 2-1 kartada sa group games habang nasa ikatlong pwesto naman ang Qatar matapos tambakan ang Syria, 83-66.
Matatandaang nagtapos sa ikaapat na pwesto ang Gilas Pilipinas noong nakaraang FIBA U18 Asian Championship sa 2018, na naging dahilan para madala ng koponan ang Pilipinas sa World Cup sa Greece.
Makakaharap naman ng Gilas Pilipinas ang Lebanon bukas para sa kanilang quarter-final game, para sa tangkang muling pagtapak sa torneo ng FIBA U18 World Cup.