Gilas Youth, pasok na sa FIBA Asia U18 quarterfinals
Ni Jan Paolo Pasco
Selyado na ang tiket ng Gilas Pilipinas Youth patungong quarterfinals matapos gapiin ang Qatar, 77-61, at manatiling walang talo sa dalawang laro sa Group C ng 2022 FIBA Under-18 Asian Championship na ginanap sa Azadi Basketball Hall sa Tehran, Iran, Agosto 22.
Pinangunahan ni Filipino-Australian forward Mason Amos ang opensa ng Pilipinas nang kumana siya ng 19 points, 12 mula sa second half, kasama ang seven rebounds upang muling magposte ng convincing victory matapos ang 112-48 dominasyon kontra Syria sa kanilang unang laban.
Mula sa dikitang iskor na 34-35 sa first half, nagpakawala ng matinding 32-14 run ang Gilas Youth sa pamumuno ni Amos upang tuluyang agwatan ang Qatar at itala ang pinakamalaking kalamangan sa pagtatagpo, 66-49, na may 6:15 minuto pang nalalabi sa fourth quarter.
Sa pangunguna ni go-to-guy Mohammed Hashim Z Abbasher, pilit pa ring kumayod ang Qatar sa huling dalawang minuto ng sagupaan matapos ibaba ang kalamangang hinahabol sa 13, 58-71, mula sa tres na pinukol ni Sultan Ashraf Abuissa.
Ngunit hindi na hinayaan ng Pilipinas ang tangkang pamamayani ng koponan ng Qatar sa natitirang oras, daan para itampok ang 43-26 blast sa huling dalawang quarters at tuluyang ibwelta ang malamyang simula ng koponan matapos mabaon sa 18-24 sa first canto.
Naglista naman si Jared Bahay ng 15 markers, three boards, at three assists habang nagdagdag naman sina Joshua Coronel at Kyle Gamber ng siyam and pitong puntos, ayon sa pagkakasunod, upang agapayan ang opensa ng kanilang koponan sa buong laban.
Naging epektibo rin ang on-court presence ni Mur Alao para sa Josh Reyes-mentored squad matapos niyang kumolekta ng seven assists at six rebounds.
Sa kabilang banda, nagtala naman ng tig-14 puntos sina Abbasher at Moustapha Ndao habang umiskor naman sina Hamad Yassin Mousa at Mohamed Massamba Ndao ng 11 at seven markers sa pagkatalo.
Dahil sa pagkatalo, nananatili pa ring walang panalo ang Qatar sa Group C, bitbit ang 0-2 kartada kagaya ng Syria.
Tangan ang 2-0 win-loss record, susubukan naman ng Gilas Pilipinas na magtapos na walang bahid ng pagkatalo sa group stage sa pagharap nito sa kapwa undefeated team na Chinese Taipei sa Martes.