Indonesia kampeon sa APG 2022, titulo nadepensahan
Ni Rodolfo Dacleson II
Kasabay ng pagsasara ng ASEAN Paragames (APG) 2022, muling itinanghal na overall champion ang Indonesia sa closing ceremony na idinaos sa Manahan Stadium, Sabado.
Photo Courtesy of The Home Ground Asia |
Humakot ng 175 ginto ang host nation upang depensahan ang kanilang korona sa biennial meet tungo sa pagduplika ng back-to-back title run ng five-time APG champion Thailand noong 2003 at 2005.
Saad ni Minister of Youth and Sports Zainudin Amali, nalampasan ng kanilang delegasyon ang inaasahang bilang ng gintong medalya mapapanalunan.
"In the end, we won the achievement of 175 gold. This is the highest number of gold medals produced during Indonesia's participation in this event since it was first held in 2001 in Kuala Lumpur, Malaysia," dagdag pa ni Amali.
“We also thank CdM Andi Herman who is also the head of the High Court who has met the target, even exceeding the initial calculation that was promised, which was 104 gold to 175 gold. It's a great achievement," dagdag pa ni Amali.
Kumolekta rin ng 144 pilak at 107 tanso ang Indonesia upang dominahin ang APG 2022 kontra sa 10 iba pang bansa sa Timog Silangang Asya matapos ang walong araw na tunggalian mula Hulyo 30 hanggang Agosto 6.
Itinala ng bansa ang ikalawang pinakamalaking medal haul sa kasaysayan ng APG sa pag-ani ng 425 medalya. Sa kasalukuyan, Thailand pa rin ang may hawak ng rekord taglay ang 450 medalya noong Nakhon Ratchasima Games 2008 kung saan napasakamay din nila ang kanilang ikatlong titulo.
Sumegunda naman sa final standings ang Thailand bitbit ang 113 ginto, 113 pilak at 85 tanso, habang pumangatlo ang Vietnam na kumubra ng 64 ginto, 58 pilak at 54 tanso.
Naglaban-laban sa 455 events sa 14 sports ang 1248 atleta mula 11 bansa sa APG 2022 na dinaluhan din ng 659 opisyales.
PH para-athletes, umariba rin
Nagtapos mang muli sa ikalimang puwesto, nalampasan naman ng Pilipinas — na binubuo ng 144 atleta — ang kanilang 20-gold medal haul sa nakaraang edisyon ng APG matapos kumolekta ng 28 ginto.
Ito rin ang pinakamalaking bilang ng gintong medalyang iniuwi ng bansa sa naturang kompetisyon magmula nang pasimulan ito noong 2001 sa Kuala Lumpur, Malaysia. Nauna nang nakapagrehistro ng 24 ginto ang mga atleta sa APG 2009.
Bukod sa 28 ginto, nakapagbulsa rin ang pambansang delegado ng 30 pilak at 48 tanso para sa kabuuang 104 medalya — ang unang pagkakataon sa 11 edisyon ng APG na nakapagtala ang mga pambatong may kapansanan ng Pilipinas ng higit sandaang medalya.
Kinumpleto ng Malaysia ang top five nang selyuhan ang ikaapat na puwesto sa kinamadang 36 ginto, 20 pilak at 13 tanso.
Mula Solo, Phnom Pehn naman
Sa harap ng mga delegado ng iba't ibang bansa na bumubuo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at mga manonood na dumagsa sa Manahan Stadium at sumubaybay online, tiniyak ng Indonesia na matagumpay na maipapasa sa Cambodia ang hosting ng ika-12 edisyon ng APG sa susunod na taon.
Pinangunahan ni Indonesian President Joko Widodo ang closing ceremony ng APG 2022 na may temang "Striving for Equality".
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Widodo ang Cambodia sa pagtanggap ng hamon na mangasiwa ng APG 2023. Hangad din aniya na maging matagumpay ang hosting ng nasabing bansa.
"Let's make the 12th ASEAN Paragames a success in Cambodia next year!" pahayag ni pangulo.
Nauna na rito, ipinagmalaki ni Widodo ang hosting ng kanyang bansa, habang nagpasalamat din ito sa lahat ng atletang ipinamalas ang kanilang kakayahan sa kabila nang pagkakaroon ng kapansanan.
"Thank you to the 1248 athletes who gave a valuable message: that limitations and difficulties are not obstacles. With commitment and hard work, people with disabilities are able to achieve a million achievements," pahayag ni Widodo.
Naging maikli lamang ang paghahanda ng Indonesia para sa APG 2022 dahil napilitan ang Vietnam — ang orihinal na host — na bitawan ang pagiging punong abala sa patimpalak dahil sa COVID-19.
Ganoon pa man, naisakatuparan pa rin ang pagdaraos ng APG 2022 sa pagtutulungan at kooperasyon ng mga kasapi ng ASEAN.
Iniwasto ni Irene Mae Castillo