Kasong rape, sexual assault, muling pinasasampa ng CA kay Vhong Navarro
Ni Jeremiah Daniel Regalario
Matapos ang walong taon, muling pinababalik ng Court of Appeals (CA) ang pagsasampa ng kasong rape at sexual assault sa TV host at komedyante sa umano’y pang-aabuso niya sa model na si Deniece Cornejo noong 2014.
Photo Courtesy of Business Mirror/Rappler/Philippine Star |
Sa desisyong ito, isinantabi ang nakaraang ruling na inilabas ng Department of Justice (DOJ) noong 2018 at 2020 na nagpawalang-bisa sa isinampang reklamo ni Cornejo noong 2014, at direktang ibinigay sa City Prosecutor of Taguig City ang desisyon ng pagsampa ng mga nabanggit na kaso.
"The Office of the City Prosecutor of Taguig City is thus DIRECTED to file Informations against Ferdinand 'Vhong' H. Navarro for: (1) Rape by Sexual Intercourse under Article 266-A (1) of the Revised Penal Code, as amended by Republic Act No. 8353; and (2) Acts of Lasciviousness under Article 336 of the Revised Penal Code," saad sa pasya ng CA nitong Hulyo 21.
Naninindigan ang CA na sa pamamagitan ng isasagawang pagdinig, matutukoy kung kaninong panig ang nagsasabi ng katotohanan, at sa muling pag-iimbestiga lamang ito maisasakatuparan.
"Ultimately, it falls upon the trial court to determine who between Navarro and Cornejo speaks the truth. Cornejo decries attempted rape on the night of January 22, 2014 while Navarro denies any wrongdoing on his part. We reiterate once more that the preliminary investigation is not the proper venue to rule on the respondent’s guilt or innocence," pagpapaliwanag ng korte sa muling pagpapaimbestiga ng kaso..
Giit pa ng CA, ang magkasalungat na pahayag ng panig ni Cornejo at Navarro ay nangangailanagan ng mabusising imbestigasyon sa mga pangyayari sa lugar na tinutukoy na isinakatuparan ang krimen.
Nanatili ang panig ni Cornejo sa pagkamit ng hustiya sa anila’y pang-aabusong ginawa ni Navarro, na kung saan aniya’y ginamitan siya ng lakas at pananakot upang maisagawa ang krimen.
Sa kabilang banda, iginiit ng TV host sa kaso na biktima siya ng umano’y “set-up” ng panig ni Cornejo, kung saan siya’y inatake at naging biktima ng pambubugbog nina Cedric Lee at iba pang kasamahan ni Cornejo, dahilan upang siya’y magtamo ng mga pasa at injury sa kanyang mukha at katawan.