Mas mabigat na parusa vs. fake news, isinulong sa Kamara
Ni Xhiela Mie Cruz
Inihain ng dalawang kongresista sa Kamara ang isang panukalang batas na naglalayong ituring na isang krimen ang paggawa at pagpapakalat ng “fake news.”
Photo Courtesy of Inquirer.net/Stock Photos |
Batay sa House Bill No. 2971 na inakda nina Malabon Rep. Josephine Lacson-Noel at An Waray Party-list Rep. Florencio Gabriel Noel, mahaharap sa sentensya ng anim na taon at isang araw hanggang labindalawang taong pagkakakulong o hindi bababa sa multang P200,000 ang sinumang mapatunayang lumabag sa kanilang panukala.
Layunin rin ng naturang panukala na amyendahan ang Republic Act No. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012, kung saan kabilang sa kanilang isasama ay ang kahulugan ng “fake news” bilang misinformation at disinformasyon ng mga istorya at balitang ipinepresenta bilang katotohanan upang baluktutin ang totoo at linlangin ang publiko.
Paliwanag ni Lacson-Noel, hindi dapat basta-basta binabalewala ang publiko sa misinformation at disinformation lalo na't nilalason nito ang isipan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagbaluktot sa katotohanan.
"People have been repeatedly misinformed about what they consider to be data and facts through the advent of 'fake news'," ani Lacson-Noel.
Ayon pa sa dalawang kinatawan, ang baluktutin ang katotohanan at linlangin ang madla nito ang layunin ng isinformation at disinformation.
Kaugnay nito, matatandaang lumabas sa isang poll na isinagawa noong Pebrero 2022 ng Social Weather Stations na 58 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing isang malubhang usapin ang paglaganap ng fake news online, habang 51 porsyento ng mga Pilipino ang hirap umanong makakilala ng fake news.
Iwinasto ni Maverick Joe Velasco