Ni Jan Paolo Pasco

Pinatunayan ni World No. 3 pole vaulter EJ Obiena ang kanyang halaga sa Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) matapos opisyal na i-anunsyo ng Philippine Sports Commission (PSC) na kabilang na siya muli sa Philippine national team nitong Miyerkules, Agosto 17.

Photo Courtesy of The Manila Times

Matapos sumang-ayon ni Obiena na sumailalim sa pagsasagawa ng mediation process, kinumpirma ng PSC na nauna na ring nagsumite ng endorsement letter ang PATAFA sa pangunguna ng kanilang bagong presidente na si Terry Capistrano at executive vice president Willie Torres para sa muling pagsasama sa Olympian pole vaulter sa official roster ng national squad.

Batay sa naging special board meeting ng PATAFA nitong Sabado, bumoto ang mayorya ng kasapi ng pederasyon para sa reinstatement ni Obiena sa track and field team kasama ang lima pang atleta.

Matatandaang nagkaroon ng matinding alitan sa pagitan ng PATAFA at ni Obiena noong nakaraang taon matapos akusahan ni dating federation president Philip Juico ang Pinoy vaulter na umano'y paglustay at pamemeke ng liquidation documents gayundin ang hindi pagbabayad nang tama kay Ukrainian coach Vitaly Petrov mula pa noong 2017.

Mariing pinabulaanan ni Obiena ang mga alegasyon matapos magsampa ng reklamo sa Philippine Olympic Committee, International Olympic Committee, at World Athletics tungkol sa isyu. Agad namang sinuportahan ni Petrov ang pole vaulter nang linawin nito na nababayaran siya nang buo at kailanma'y hindi nagkaroon ng problema sa pagitan ng dalawa.

Sa kabila ng mga paratang na pilit iginiit sa kanya, kamakailan lamang ay namagitan ang PSC at nagsagawa ng hakbang para sa pagsasaayos ng ugnayan ng dalawang partido hinggil sa isyu.

“We are thankful to the PATAFA leadership for taking this step to solidify the strength of our national athletics team,” pahayag ni PSC Officer-in-Charge (OIC) at Commissioner Bong Coo.

Samantala, magugunita naman ang isang makasaysayang tagumpay ni Obiena sa nakaraang World Athletics Championships matapos siyang magtala ng bagong Asian record kasabay ng pagkopo ng tansong medalya sa men's pole vault nito lamang nakaraang buwan.

Ngayong nagbabalik sa national squad, inaasahan si Obiena ng mga Pilipino na makapagtala ng marami pang tagumpay para sa bayan sa mga susunod niyang laban para mas makilala pa ang bansa sa larangan ng isports, partikular na sa athletics.


Iniwasto ni Quian Vencel Galut