Ni Nikki Coralde

Dininig na ng dalawang korte sa Muntinlupa ang hiling ni dating senador Leila De Lima na makapasok sa custodial center sa Camp Crame ang mga mambabatas mula Estados Unidos matapos itong hindi pahintulutan ng Philippine National Police (PNP) noong Huwebes, Agosto 18.

Photo Courtesy of Darren Langit (Rappler)/CNN Philippines

Ayon kina Judge Abraham Joseph Alcantara ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 at Judge Romeo Buenaventura ng Muntinlupa RTC Branch 256, hindi umano tutol ang prosekusyon na makapasok sa Camp Crame ang mga foreign delegation para bisitahin ang dating senador.

Matatandaang hindi ito pinayagan ng PNP dahil sa kawalan umano ng court permission at pagbabawal na magkaroon ng direct interaction sa mga taong nasa ilalim ng police custody kasunod ng tumataas na kaso ng COVID-19 sa lugar.

“Umalis sila because they were denied entry nung custodial facility on the basis na walang court order," ani PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Augustus Alba.

“Such interaction with any specific PUPC is subject to express permission of the concerned judicial authorities, with due consideration of the prevailing COVID-19 situation in Camp Crame that currently has 15 active cases and one new case as of today," dagdag pa niya.

Kabilang sa mga mambabatas si US Senator Edward Markey na balak sana umanong tingnan ang lagay ni De Lima sa loob ng custodial facility.

Samantala, matatandaan na dati nang hiniling ng foreign delegation na palayain si De Lima matapos bawiin ng mga saksi sa kaso nito ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Sa inilabas na pahayag ni Senator Markey at ng ilan pang US senators, idiniin nila na pawang "politically-motivated" umano ang pagdakip sa dating senador na nakabase lamang sa mga maling impormasyon.

“Clearly, the bogus charges against her were, as we suspected all along, politically-motivated and based on false information. That she has lost five years in jail due to these spurious charges is a travesty. She should be released immediately and any remaining charges should be dropped without further delay,” anila.  

Kilalang kritiko ng Duterte administration si De Lima na naka-detain noon pang Pebrero 2017 dahil sa alegasyon na may kaugnayan siya sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison noong 2010 hanggang 2015.


Iwinasto ni Audrei Jeremy Mendador