Pilipinas, bigong masikwat ang unang panalo sa 2022 AVC Cup

Ni Jea De Pablo

Dismayado ang Pilipinas na magawa ang late game surge matapos agad nitong walisin ng Vietnam sa tatlong set 25-19, 25-17, 31-29, sa kanilang preliminary round sa 2022 Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup for Women na ginanap sa PhilSports Arena sa Pasig kagabi, Agosto 21.

Photo Courtesy of Philippine National Football Federation

Maagang nakalamang ang Pilipinas sa pagsisimula ng unang set, 7-2 dala ng atake ni Jema Galanza at Tots Carlos, ngunit hindi ito naging sapat para pakuin ang kalaban.

Sunod-sunod na solidong palo galing sa kapitana ng Vietnam Tran Thi Thanh Thuy ang naging daan para maagaw ang unang set ng laban.

Nagbabasakali naman ang Pilipinas na maangkin ang ikalawang set ngunit dismayado ito dahil sa bantay-saradong opensiba at walang pagaalinlangang depensa ng mga Vietnamese.

Agad naman natambakan ang Pilipinas sa kalagitnaan ng ikatlong set, 11-17.

Naidikit ni Carlos at Libero Kyla Atienza ang iskor sa 26-25.

Hindi naging sapat ang ipinakita ng Pilipinas matapos magpakawala ng cross court hit si Tran dahilan para tapusin ang dikitang laban, 3-0.

Sa kabila ng pagkatalo at hindi pagsama ng ibang players ng Creamline Cool Smashers na sina Alyssa Valdez, Risa Sato, Jia De Guzman, at Coach Sherwin Meneses, isa namang hindi malilimutang international debut experience ito para kay Atienza.

"Magaling sila at magandang experience ito para sa amin."

"Nakaka-proud lalo na madaming sumusuporta sa amin. Masaya kami ngayon,” ani niya.

Gayunpaman, umukit si Galanza ng 13 points na may 11 attacks at 3 service aces, 11 points na may 9 attacks at 2 blocks naman kay Michele Gumabao, habang may kabuuang 9 points,7 attacks, 1 block at 1 service ace na marka si Carlos.

Susunod na makakatunggali ng host team ang five-time champion China sa Martes, Agosto 23, 7:00 pm sa PhilSports Arena.

Habang ngayong araw naman makakalaban ng Vietnam ang nasabing kampyeon.

Previous Post Next Post