Sining tungo sa masa, para sa katotohanan

Ni Kenjie-Aya Oyong

May kakayahan ang sining na bagabagin ang konsensiya ng mga naghaharing-uri. May kakayahan din ang sining na magmulat at magpakilos tulad ng kung paanong ang mga nobelang “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo” ni Gat. Jose Rizal ay gumising sa diwa ng mga Pilipino at nagmulat sa kanila sa mga sakit ng lipunan. 


Cartoon by Ace Vincent Lorico


Kaya nga isang tanong kung ang pelikula ba ni Darryl Yap na “Maid in Malacañang” ay isang likhang sining o isang bayad na propaganda? Pinagpapalagay na ang pelikulang ito ay anyo ng historical revisionism na tahasang binabaluktot ang kasaysayan. Inilalarawan kasi ng pelikula ang “bersyon ng kasaysayan” ng pamilyang Marcos na nagnakaw ng limpak-limpak at kumitil sa maraming buhay ng mga Pilipino noong panahon ng Batas Militar. Sa pelikula ni Yap, ang pamilyang Marcos ang biktima ng 1986 EDSA People Power Revolution. 

Kung tutuusin, nakababahala ang mistulang pag-abuso sa sining para lamang isulong ang interes na burahin ang malagim na kasaysayan ng pamilya ng kasalukuyang pangulo at anak ng diktador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Dahil dito, nagbigay ng pahayag ang beteranong direktor na si Joel Lamangan—na biktima ng Batas Militar. Aniya, tungkulin ng mga alagad ng sining na magsilbi sa interes ng mga mamamayan at maging daluyan ang kanilang mga obra ng katotohanan—tungkuling napakahalaga lalo na sa panahon ng disimpormasyon at propaganda.

Tila narinig ng direktor na si Vince Tañada panawagan ni Lamangan dahil sasalungatin ng pelikula niyang “Katips” ang “Maid in Malacañang” sa sinehan ngayong Agosto. Hindi katulad ng “Maid in Malacañang”, sinasalamin ng “Katips” ang buhay ng mga estudyanteng aktibista noong panahon ng Batas Militar. Dinakip at ikinulong ang mga aktibista sa ilalim ng Batas Militar ni Ferdinand Marcos Sr. Ang iba naman ay pinahirapan at pinatay tulad nina Liliosa Hilao at Lorena Barros. Sa dami ng dinakip, ikinulong at sa mahigit 3,200 napatay noong panahon ng Batas Militar, ilan dito ay mga estudyanteng aktibista.

Malaking sangkap ang katotohanan para sa mga pelikulang layong itama ang mga kasinungalingan. Mga ebidensiya, datos, istatistika, at kasaysayan ang sandigan ng katotohanan. Hindi dapat tayo tumulad ng paniniwala kay Yap na layunin daw ng palabas niyang punan ang mga nawawalang piraso sa kasaysayan, pero naglagay ng kung anu-anong mga bagay na hindi tumpak sa tunay na nangyari dahil mayroon daw siyang “creative freedom” na gawin iyon.

Bilang mga alagad ng sining, lalo na sa larangan ng panitikan, mahalagang makita nila ang linya sa pagitan ng katotohanan at imahinasyon. May mga paksang hindi pwedeng haluan ng kasinungalingan kahit na ito ay para sa pagpapaganda ng palabas o dahil ipinapamalas ng isang manlilikha ang kaniyang “creative freedom.” Kailanman ay hindi naging, at hindi magiging batis ng impormasyon at katotohanan ang mga bagay na kathang-isip lamang.

Ngunit sa kabilang banda, hindi magiging madali ang pagpapaingay ng katotohanan lalo na sa mga taong ilang taon at dekada nang nababad sa disimpormasyon at propaganda. Marami-rami na rin ang nagsikap na gisingin sa katotohanan ang mga nabulag ng kasinungalingan sa pamamagitan ng pagpapakita ng maraming datos, ebidensiya, at impormasyon mula sa mga reliable sources. Ngunit hindi lahat ay nagtagumpay na maimulat ang mga taong ito. 

Kaya naman hamon para sa mga alagad ng sining na mas paigtingin at magkaisa sa pagguhit at pagsasasining ng katotohanan sa panahong laganap na kung saan-saan ang mga kabulaanan. 

Hindi madali ang pakikipaglaban sa epekto ng disimpormasyon. Ngayong marami nang pamamaraan upang baluktutin ang reyalidad at ngayong mas lumalawak ang plataporma nito, dapat maging armas ang sining upang ipaglaban ang katotohanan. Bagaman nasa madla kung ano ang mga aral at mensaheng matatanggap nila mula sa sining na kanilang nakita o narinig, responsibillidad pa rin nating lahat, hindi lamang ng mga alagad ng sining, na iparating sa lahat kung anong tama at totoo, at kung ano ang totoo sa hindi

Kung minsan, ang sining ang nagiging takas ng isang tao sa mundo. Ngunit hindi dapat mangyaring ang sining ang makapagdudulot sa tao na takasan at limutin ang reyalidad, sa halip ay dapat itong gumising sa mga natutulog na lakas at diwa. Higit sa lahat, dapat itong bumagabag sa tiwaling sistema. 

Marami mang anyo at kahulugan ang sining, ngunit sa panahong laganap ang kasinungalingan at patuloy ang pagbabaluktot sa malalim nating kasaysayan, ang sining ay dapat maging makamasa at batay sa katotohanan.

Previous Post Next Post