Maagang pagreretiro ni dating spox James Jimenez sa Comelec, kasado na

Ni Basti M. Vertudez

Matapos ang halos dalawang dekadang paglilingkod sa Commission on Elections (Comelec), nakatakda nang magbitiw sa pwesto si dating Comelec Spokesperson James Jimenez kasabay ng pag-apruba ng Comelec en banc sa hiling nitong magretiro noong Agosto 31.

Photo Courtesy of COA/Business Mirror

Ayon sa anunsyo ni Comelec Chairman George Garcia nitong Setyembre 3, pormal nang nakatakda ang pagbibitiw ni Jimenez sa Setyembre 15 matapos siyang makatanggap ng pahintulot sa lahat ng mga commissioner sa plano nitong maagang pagreretiro sa tanggapan.

“This effectively grants Director Jimenez’ intent to avail of the optional retirement,” ani Garcia sa pulong ng Comelec.

Kasabay nito, nagpaabot siya ng pasasalamat kay Jimenez sa mahigit 15 taon nitong pagsisilbi bilang tagapagsalita ng Comelec.

“The whole Comelec family expresses its gratitude and appreciation to Director Jimenez for his long exemplary service to the nation through the commission. We wish him all the best as he embarks on this new chapter in his life,” pasasalamat ni Garcia.

Bilang tagapagsalita ng tanggapang namamahala sa mga halalan sa bansa, nakasanayan na ng publiko ang pagharap ni Jimenez sa media upang tugunan ang anumang ibinabatong katanungan at isyu sa Comelec.

Sa kanyang pagreretiro bilang spokesperson at direktor ng Education and Information Department (EID) ng Comelec, sinabi ni Garcia na naghahanap pa ang poll body ng posibleng humalili sa kaniya sa naturang posisyon. 

Ilan lamang sa mga isyung kinasangkutan ni Jimenez ay ang kontrobersiya tungkol sa kanselasyon ng huling dalawang ‘PiliPinas Debates’ para sa mga kandidata sa pagkapangulo nitong nakaraang eleksyon.

Matatandaang nagkaroon ng problema hinggil sa P14.095 milyon na utang ng mga organizer ng debate sa Sofitel, isang hotel company, na inaasahang maging pagdarausan ng naturang kaganapan.

Sa kabila ng isyung ito na hindi pa rin tapos imbestigahan, napanatili pa rin ni Jimenez ang kaniyang posisyon sa Comelec bilang direktor kahit sinuspinde siya sa pagiging tagapagsalita ni dating Comelec Chairman Saidamen Pangarungan.
Nagsimulang maglingkod si Jimenez bilang tagapagsalita ng Comelec noong 2007, kung saan sa kanyang inilagi na panunungkulan ay kinilala na siya bilang pinakamatagal na naging spokesperson ng kahit anong ahensya ng pamahalaan sa bansa.


Iniwasto ni Lorraine Angel Indaya
Previous Post Next Post