Ni Xhiela Mie Cruz

Sa kabila ng patuloy na pagkalat ng iba’t ibang text scams sa bansa, tinabla ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro ang House Bill No. 14 na naglalayong sapilitang iparehistro ng bawat users ang kanilang subscriber identity module (SIM) cards.


Photo Courtesy of Makabayan Bloc/GMA News


Ani Castro, huwag umanong gawing dahilan ang kumakalat na text scams sa pagaprupa sa naturang panukala, dahil mas lalo umanong mabibiktima ang mga mamamayan sa kanilang pagrerehistro.

Dagdag pa niya, mayroon nang mga awtoridad ang responsable sa paglutas sa mga kasong gaya ng text scams.

"May sapat na mga mandato ang mga ahensyang gaya ng NTC upang sawatahin ang mga ito at panagutin ang mga may sala—mga mandatong dapat ay ginagawa nila sa pinakakagyat na panahon at pinaka-decisive na paraan," saad ni Castro.

Inihirit din ni Castro na hindi pa rin binibigyang pansin ng gobyerno ang mga data breach na maaaring maging sanhi ng pang-aabuso sa isang tao lalo na't mga mahahalaga personal na impormasyon ang nakukuha dito.

"Hanggang ngayon, paparami nang paparami ang mga insidente ng disimpormasyon, harassment, at trolling na bumibiktima sa miyembro ng oposisyon, mga progresibo, at kahit mga ordinaryong mamamayang nagpapahayag lamang ng kanilang saloobin," sabi ni Castro.

Samantala, sinegundahan naman ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang pahayag ni Castro, kung saan iginiit niyangisang malaking pagkakamali umano ang naturang mandato dahil wala itong magandang maidudulot sa bansa.

"This is not a proactive step, but a step backward. Addressing cybercrime should not come at the expense of democratic rights. We must focus on policies regarding data protection and privacy while devising new strategies against cybercrime. The youth will not support this measure," ani Manuel.

Kinatigan pa ito ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na nagsabing maaaring ituring ng naturang panukala na mga potensyal na kriminal at sumusuway sa batas umano ang mga Pilipino hangga’t hindi nila ipaparehistro ang kanilang SIM card.

"It gives a false assurance that once all SIM cards are registered, purveyors of spam messages and trolls will be flagged – when in reality, these crimes and acts will not come to a halt," saad ni Brosas.

Sa huli, isa rin umano sa ikinababahala ni Brosas ang sapilitang pagpapakita ng valid ID at birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority na maaaring maging sanhi ng diskriminasyon sa mga katutubong mamamayan ng Pilipinas.


Edited by Audrei Jeremy Mendador