Ni Xhiela Mie Cruz

Matapos ang dalawang taong pagtigil nito dahil sa COVID-19 pandemic, magbabalik na ngayong taon ang pagdiriwang ng Masskara Festival ng Bacolod City sa Oktubre na may temang “Balik Yuhum” o ibalik ang ngiti.

Photo Courtesy of Guide to the Philippines

Sa muling pagbabalik nito, inanunsyo ni Bacolod City Mayor Albee Benitez na  pinaunlakan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang personal na imbitasyon na dumalo sa naturang pagdiriwang.

Bukod kay Pangulong Marcos, inaasahan ring magiging bisita ng Bacolod ang kanyang maybahay na si First Lady Marie Louise "Liza" Araneta Marcos at anak nitong si Vinny.

Ayon pa sa mga nag-organisa ng selebrasyon, itinutulak ng tema ng pagdiriwang ngayong taon ang mga Bacolodnon na magkaisa at ibalik ang hindi matutumbasang ngiti sa kanilang mga labi sa kabila ng dalawang taong pakikipaglaban sa pandemya at mga hamon sa buhay.

Dagdag pa rito, matatandaang inilunsad ang theme song ng MassKara Festival na pinamagatang “It’s Time to Smile Again” na masinsing sinipat at binigyang-kahulugan ng singer na si Darren Espanto.

Inaasahang magtatagal mula sa una hanggang ikatlong linggo ng Oktubre ang kabuuang pagdiriwang ng MassKara Festival, kung saan inaasahan ang culminating activities nito mula sa Oktubre 19 hanggang 23.

Matatandaang nagsimula ang pagdaraos ng Masskara Festival noong 1980 upang maghatid ng ngiti sa mga Negrense matapos ang sunod-sunod na trahedyang hinarap ng lungsod, kabilang ang sugar famine na dulot ng kapalpakan ng mga crony ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.


Iniwasto ni Maverick Joe Velasco