Walang bagong kaso ng COVID-19 mula sa mga paaralan – DepEd
Ni Jeremiah Daniel Regalario
Sa kabila ng malawakang pagpapatupad ng face-to-face classes, iniulat ng Department of Education (DepEd) na wala pang naitatalang kaso ng COVID-19 sa hanay ng mga mag-aaral at guro sa pagbubukas ng taong panuruang 2022-2023 noong Agosto 22.
Photo Courtesy of WHO/Reuters |
Pinabulaanan ni DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa ang mga ulat na higit na tumaas ang kaso ng COVID-19 sa bansa matapos ang balik-eskwela at inihayag na walang hawaang naitala mula sa sektor ng edukasyon.
“Sa ngayon po, after verifying with our field offices, wala pa po tayong reported na nagkaroon ng COVID from the start of the classes, pati na rin sa ating teaching and non-teaching staff,” pahayag ni Poa sa isang press conference.
Gayunpaman, binigyang-diin ng DepEd spokesperson na hindi sila magpapakakampante, at bagkus ay lalo pang paiigtingin ang pagmomonitor ng sitwasyon sa mga paaralan sa bansa.
Paliwanag pa ni Poa, umabot lamang sa 19% ang mga bakunadong mag-aaral batay sa datos mula sa DepEd Learner Information System (LIS), kung kaya’t layunin nila itong pataasin pa sa pamamagitan ng mobile vaccination hubs.
Sa inilathalang ulat mula sa LIS, nakasaad na pinapayagan na ring lumahok ang mga mag-aaral at guro sa face-to-face classes kahit hindi pa sila bakunado.
Sa kabila nito, iniulat ng mga DepEd regional office na maganda ang naging takbo ng unang dalawang linggo ng pagsisimula ng klase, at inaasahan nilang magpapatuloy ito sa darating na mga buwan.